Inilunsad kamakailan ng Department of Science and Technology Regional Office II (DOST II) ang Food Innovation Center (FIC) kasabay ng pagdiriwang ng Northern Luzon Cluster Fair sa Cagayan State University- Carig Campus, Tuguegarao City, Cagayan. Layon ng FIC na palakasin ang agriculture-based economy ng rehiyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng ayuda sa industriya ng food processing.

Tampok sa FIC ang mga locally developed food technology equipment na ayon sa pangangailangan ng lokal na industriya. Kabilang dito ang vertical fill form seal na ginagamit sa pagsasapakete ng mga food-based na produkto; vacuum packaging para sa mga karne at dried fruit na produkto; freeze dryer na ginagamit upang matanggal ang mga tubig sa isang food product na hindi kinakailangan ng init at vacuum fryer.

Kasama rin sa mga kagamitan ang water retort para sa sterilization ng mga babasaging bote maging ang mga PET o polyethylene Therepthalate na botelya; spray dryer na ginagamit sa paggawa ng mga pinulbos na mga produkto; pulverizer/grinder na ginagamit sa paggiling ng mga mais, bigas, mani at iba pa; deep fryer para sa pagprito ng mga chip, chicharon, at fries; dough mixer; noodle maker; noodle cutter; at single-screw extruder na ginagamit naman para sa mga cereals.

Ayon kay DOST II Regional Director Dr. Urduja Tejada, na panahon na upang madagdagan ang halaga ng mga pananim na inaani sa rehiyon sa pamamagitan ng pagproseso at tamang development sa mga produkto.

Positibo ring inihayag ni Dir. Tejada na sa pagkakaroon ng FIC ay maraming bagong produkto ang lalabas sa Cagayan Valley sapagkat maliban sa mga kagamitan, ang Center ay nagsisilbi ring research and testing laboratory. Ito ay nagbibigay din ng mga serbisyong technology information system, mga training, consultancy at packaging and labeling.

Nabanggit din sa nasabing paglulunsad ang banana chip na isa sa mga pangunahing produkto sa rehiyon. Ani Dir. Tejada-sa pamamagitan ng center, ang simpleng pambalot ng banana chip na plastic at papel na pina-photocopy ay maaari nang magkaroon ng matibay, mas maganda at mas malinis na produkto. “The product can also undergo shelf-life testing, nutritional labeling, food quality and safety testing,” paliwanag niya.

Ang FIC ay ang kauna-unahan sa Luzon at ikalawa naman sa buong bansa. Ang kauna-unahan ay nasa Davao City na inilunsad noong Mayo. Samantala, isa pang center ang nakatakdang itayo sa rehiyon ng Visayas. (S&T Media Service, DOST-STII)