Inihayag kamakailan ni Italian Assistance to the Agrarian Reform Community Development Support Program o IARCDSP Project Manager Pabil Marohomsalic ang pagsisimula ng isang proyektong makatutulong sa mga magsasaka natin sa gawing Hilaga ng Mindanao.

Ayon kay Marohomsalic, may kabuuang P2.5- Bilyong pisong halaga ang inilaang tulong ng pamahalaan ng Italya, sa ilalim ng IARCDSP ng Department of Agrarian Reform o DAR ang tinanggap ng may 53,000 na pamilyang magsasaka sa mga mahihirap na komunidad sa Mindanao.

Nakapaloob sa naturang proyekto ang pagtatatag ng 50 organisasyon ng mga magsasaka, pagsasasanay para sa pagnenegosyo, paglalaan ng mga kagamitan sa pagsasaka at pagpapatayo ng mga ibat-ibang imprastraktura para sa kapakinabangan ng mga benepisyaryo at ng komunidad doon.

Ayon naman kay Agrarian Reform Secretary Virgilio de los Reyes, ang joint Philippine-Italian poverty alleviation program na ito ay parte ng pagsisikap ng European Unions na patibayin ang kapayapaang isinusulong ng pamahalaang Pilipinas sa Moro National Liberation Front at ng Moro Islamic Liberation Front sa Mindanao.

Sinabi pa ni Marohomsalic na nasa pre-implementation stage na ang proyekto at inaasahang magsisimula ang implementasyon nito sa susunod na taon. (jnormt)