Pormal ng isinalin ng Department of Agrarian Reform ( DAR ) ang pag mamay-ari sa may 148 magsasakang benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang lupang ipinamahagi sa kanila sa bayan ng Hinigaran, lalawigan ng Negros Occidental.

Ayon kay Hinigaran Municipal Agrarian Reform Program Officer ( MARPO )Zenaida Montalvo, 103 sa mga magsasaka mula sa naturang bilang ang itinalaga sa 138.3 ektaryang lupain na dating pagmamay-ari ni Ginoong Juan Ysasi sa Barangay Palayog.

Samantalang ang natitirang 45 na mga magsasaka naman ang tumanggap sa 31.6 ektaryang lupa na dating pagmamay-ari ni Ginang Margarita Yulo-Gonzaga, sa Barangay Pilar ng nasabing bayan.

Hiniling naman ni MARPO Domingo Gatmaitan sa mga magsasaka, na personal nilang tamnan at gawing produktibo ang naturang lupa para sa ikabubuti ng kanilang kabuhayan.

Ipinaalala pa ni MARPO Gatmaitan sa mga magsasaka, na obligasyon rin nila na magbayad ng amortisasyon ng lupa na nakapaloob sa Comprehensive Agrarian Reform Program(CARP) ng pamahalaan.

Maliban sa pamamahagi ng lupa, maglalaan rin ang DAR ng mga suportang serbisyo, tulad ng pautang, mga makinarya para sa pagsasaka at mga pagsasanay, Ito ay para matulungan ang mga magsasaka na maging produktibo ang lupang ipinagkatiwala sa  kanila ng gobyerno.(jnormt)