Umabot sa kabuuang P2.2- Milyong pisong farm-to-market road ng Department of Agrarian Reform o DAR ang pinakikinabangan na ngayon ng mga magsasaka at mga residente ng Buguey sa lalawigan ng Cagayan.

Ayon kay Agrarian Reform Infrastructure Support Project 3 o ARISP 3 Regional Infrastructure Engineer Andres F. Cafugauan, ang Villa Cielo Farm to Market Road Phase 1 ay nadadaanan na ngayon ng may 124 Agrarian Reform Beneficiaries at iba pang mga residente sa Sta. Isabel Agrarian Reform Community.

Ayon pa kay Engineer Cafugauan, ang naturang kalsada ay may sukat na 45 linear meters Concrete Paved Drift at 53.61 linear meters Portland Cement Concrete Pavement.

Sinabi pa nito, na malaking tulong rin umano para sa mga magsasaka ang naturang proyekto dahil mas mura at mabilis na nilang nadadala ang kanilang mga produkto sa mga pamilihan.

Samantala, ang kostruksiyon naman ng Phase 2 ng naturang proyekto ay kasalukuyan na ring ginagawa.

Ang proyekto ay ipinatupad ng DAR sa ilalim ng ARISP Phase 3 ng ahensiya na pinondohan naman ng Japan International Cooperating Agency o JICA. (jnormt)