Nalalapit na ang paglulunsad ng kauna-unahang Science and Technology Model Farm (STMF) sa bansa.

Ang STMF ay binuo ng Technology Transfer and Promotion Division ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD), isa sa mga tanggapan ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).

Layunin ng STMF na ipamalas ang magiging bunga ng buong aplikasyon ng isang pakete ng teknolohiya o convergence of technologies.

Inasahan na sa pamamagitan ng STMF ay mahihikayat ang mga farming/fishing-based enterprise na gamitin ang buong pakete ng teknolohiya upang mapabuti ang kanilang produksyon.

Ipapamalas ng unang STMF ang buong pakete ng mga teknolohiya para sa mangga. Ito ay itatatag sa isang bahagi ng lupa ng Zoocobia Fun Zoo and Paradise Ranch na nasa Sacobia, Clarkfield Pampanga.

. Ang Zoocobia Fun Zoo and Paradise Ranch ay isa sa mga theme parks na pag-aari ng Zoomanity Group sa ilalim ng Yupangco Group of Companies.

Matatagpuan ang Zoocobia sa magubat na paanan ng bundok ng Clark Freeport Zone na idineklarang bahagi ng ancestral land ng mga Igorot. Dahil dito, inaasahang mas maraming pamilya ang makikinabang kung lubos na maibabahagi ang teknolohiya sa mga naninirahan dito.

Bilang isang bagong technology transfer modality, ang Zoocobia STMF para sa mangga ay patunay sa pagnanais ng DOST-PCAARRD na mapabuti pang lalo ang paglilipat ng teknolohiya sa kapakinabangan ng mas maraming mamamayan alinsunod sa DOST Outcome One.

Layon ng DOST Outcome One ang makapagbigay ng mga teknolohiya at kaalaman upang mas mapalakas pa ang sektor ng pagsasaka sa bansa ayon sa pandaigdigang pamantayan.

Patutunayan ng STMF para sa mangga ang pakinabang ng pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng pribadong sector upang makamit ng bansa ang biyaya ng pangmaramihang pag-unlad o inclusive growth. Ang Bataan Peninsula State University sa pamamagitan ni Dr. Hermogenes M. Paguia, BPSU Chairman for Extension Services, ang nagsisilbing tagapagpatupad ng proyekto

.

Nagsisilbing tagapanguna ang PCAARRD sa mga pagsasaliksik at pagpapaunlad sa larangan ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman.

Taliwas sa mga naunang inisyatibo sa technology transfer ng PCAARRD na gumagamit lamang ng mga piling teknolohiya upang tugunan ang mga partikular na pangangailangan, ginagamit ng STMF ang buong pakete ng teknolohiya para sa isang agricultural commodity.

Kabilang sa mga naunang inisyatibo ng PCAARRD sa technology transfer ang Science and Technology-based farm at ang Science and Technology Community-based farm.

(PScijourn MegaManila)