Hinikayat kamakailan ni Department of Agrarian Reform o DAR Secretary Virgilio de los Reyes ang ibat-ibang samahan na ng repormang pansakahan na palakasin ang kanilang mga organisasyon, sa isinagawang Farmers Field School graduation ceremony sa loob ng Hacienda Luisita sa Tarlac City.

Sa kaniyang pananalita, inihalintulad ni Secretary De los Reyes ang ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan bilang “midwives” o “kumadrona” na tumutulong sa mga inang manganganak na inihalintulad naman nito bilang organisasyon ng mga magsasaka na lumilikha ng mga produkto.

Sinabi pa ni Secretary De los Reyes, na malaki umano ang papel ng mga organisasyon ng mga magsasaka sa ika-uunlad ng kanayunan, na kung saan ang naturang mga magsasaka ang pangunahing nangangasiwa at nagsasaayos sa agrikultura ng bansa.

Ayon pa sa kalihim, tungkulin naman ng pamahalaan na bigyan ng kinakailangang teknikal na tulong at kagamitan ang mga magsasaka para sa ika-aangat ng kanilang produksiyon at kita.

Tatlungput-apat na mga magsasakang benepisyaryo sa naturang Hacienda, na kung saan siyam sa mga ito ay kababaihan ang tumanggap ng certificate of completion, para sa kanilang anim na buwang pagsasanay tungkol sa proper corn farming na nagsimula noong nakalipas na Nobyembre.(jnormt)