Naghain ng kaso ang mahigit sa 60 na tsuper ng taxi laban sa kanilang apat na transport operators sa hindi pagbabayad ng hulog sa SSS na aabot sa P6.8 milyong halaga. Sa tulong ng Social Security System (SSS) noong Biyernes sinampahan ang 4 na operators ng kasong paglabag sa RA 8282 o Social Security Law.

Ang apat na kumpanya ng taxi na diumano’y pinatatakbo ng iisang pamilya ay hindi nagbayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado sa SSS sa loob ng mahabang panahon.

Ihinain ang reklamo kontra sa EPE Transport Inc., (pagmamay-ari nina by Ernesto Enriquez, Elisa Enriquez, Evelyn Marcelo, Jose Marcelo, Elmer Enriquez, Iluminada Enriquez); JME Transport Inc., (pagmamay-ari nina by Romeo Enriquez, Rosalina Enriquez, Jason Enriquez, Feliz Fabros, Teresita Reyes); R&E Transport Inc., (pagmamay-ari nina by Romeo Enriquez, Ernesto Enriquez, Evelyn Marcel, Rodrigo Enriquez, Rose Marie Fong); and Nine Stars Transport Corporations (pagmamay-ari at pinatatakbo nina Rodrigo Enriquez, Teresita Enriquez, Efren Enriquez, Renato Enriquez).

“Patuloy po nating tutugisin ang mga delingkwenteng employers bilang bahagi ng ating Run After Contributions Evaders (RACE) or Operation Tokhang na programa, at itong apat na kumpanyang ito ay ilan lamang sa marami pang kumpanya na hindi sumusunod sa batas at hindi ibinibigay ang nararapat para sa kanilang mga empleyado. Nais po nating siguraduhin na makukuha ng ating mga miyembro ang karampatang benepisyo na nakalaan para sa kanila sa kabila ng hindi pagbabayad ng kanilang employer ng tamang kontribusyon at wala din sa oras,” sabi ni SSS President Emmanuel F. Dooc.

Ayon kay Edgardo Acaso na kinatawan ng Association of Genuine Labor Organization’s (AGLO) ng apat na kumpanya, nais lamang nilang ipaglaban kung ano ang nararapat na benepisyo para sa kanila.

“Gusto lang po naming makuha ang benepisyo namin na naaayon sa batas. At makukuha lamang namin iyon kung ang buwanang ikinakaltas sa amin ay inireremit ng tama sa SSS. Kahit pa nga ako ay naka-sick leave ngayon dahil sa stroke, patuloy ako at ang aking mga kasamahan sa pakikipalaban para sa aming karapatan na dapat naming pakinabangan sampu ng aming mga kapamilya pati na ang mga nauna nang nagretiro sa amin,” sabi ni Acaso.

sa kabila ng makailang ulit na pagpapadala ng demand letter ng SSS sa lahat ng nasabing transport corporations na mayroong rehistradong address sa #37 Rose St., Reparo, Baesa, Caloocan City, hindi pa rin nagbayad ng buwanang kontribusyon ng kanilang mga empleyado.

Batay sa imbestigasyon ni SSS Accounts Officer na si Mayonito Fesalbon, nilabag ng mga kumpanya ang Section 22(a) at (d) kaugnay ng Section 28 (e) ng  Republic Act 8282 or SS Law o hindi pagbabayad ng buwanang kontribusyon sa SS ng kanilang mga empleyado.

Ayon sa mga dokumento, ang JME Transport Inc., na may 29 na complainant-employees, ay hindi nagbayad ng SS contributions at penalties mula noong Enero 1994 hanggang Abril 2016 na umabot na sa P4.013 milyon noong Hunyo 30 nang nakaraang taon kaya susuriin pa ang halagang ito.

Samantala, ang Nine Stars Transport Corp. naman na apat ang complainant-employees ay hindi nagsumite ng SS contributions mula Agosto 2002 hanggang Abril 2016 na umabot na sa P535,995 noong Hunyo 30, 2016.

Gayundin, ang R&E Transport Inc. at EPE Transport Inc, ay lumabag din sa SS Law dahil sa under-remittance ng SS contributions o hindi pag-remit ng tamang halaga ng buwanang kontribusyon ng mga empleyado nito.

Umabot na sa P1.69 milyon ang dapat bayaran ng R&E Transport Inc mula noong Hunyo 30, 2016 para sa Enero 1996 hanggang Abril 2016 habang ang EPE Transport Inc naman ay may pagkukulang sa SSS na P629,162 na sakop mula Pebrero 1998 hanggang Abril 2016.