NAPAKAHALAGA ang hatid na kalatas ng ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pangunguna ni Kalihim Roy A. Cimatu, kasama ang Department of Health (DOH) at ang World Health Organization (WHO) sa banta ng polusyon sa hangin sa kalusugan ng mga Pilipino. Matagal na din naman nating alam na base sa pag-aaral, ang polusyon sa hangin ay banta sa kalusugan hindi lamang dito sa Metro Manila kundi maging sa buong mundo. Tinatayang 92 porsiyento daw ng populasyon ay hantad sa hangin na may kalidad na mas mababa sa itinakdang air quality guidelines ng WHO. Ayon pa kay Cimatu, ang mga siyudad ay lubhang mas delikado dahil sa banta ng polusyon kumpara sa mga nasa probinsya. Ang air pollutants daw tulad ng sulfate, nitrates at black carbon ay nakakabahala sa kalusugan ng tao.

Sa buong mundo, mahigit anim na milyon ang tinatayang namamatay dahil sa mga hindi nakakahawang sakit tulad ng sakit sa puso, stroke, lung cancer, and chronic respiratory diseases taon-taon mula pa din sa ulat ng DENR. Sa ating bansa, isa daw sa bawat apat na tao ang namamatay dahil sa polusyon sa hangin. Ang mga ulat na ganito ay matagal na din nating alam at mismong ang inyong lingkod ay nakaranas ng sakit mula sa maruming hangin. Sa problemang ito ng ating kapaligiran lalo na ang maruruming hangin na dulot ng mga tambutso ng sasakyan, hindi nagkulang ang ginagawang paraan ng gobyerno upang maibsan ito. Sapat sapat na ang napakaraming programa at batas kontra dito nuon pa man. Mamamayan ang minsan ay may pagkukulang na din. May mga sasakyan pa din na nagbubuga ng maitim na usok. Marami pa ding mga pampasaherong dyip at maging mga tricycle na akala mo may dalang pugon.

Maging sa basura ay hangad ni Cimatu ang kooperasyon ng publiko sa problema tungkol dito. Hinikayat niya ang mga mamamayan na ugaliin ang tamang pagtatapon at pagbubukod ng basura dahil sa naidudulot nitong baha tuwing umuulan. Dagdag pa niya na ang ecological solid waste management program ay maisasakatuparan lamang kung ang mga nasasakupan ay gagawin rin ang kanilang bahagi sa tamang pagtapon ng basura. Namamangal na ang gobyerno nuon pa man sa katigasan ng ulo ng iba nating kababayan sa walang habas na pagtapon ng basura. Nagdudulot ito ng baha dahil sa sobrang daming basurang lumulutang sa mga ilog at creek sa tuwing may paglakas ng ulan lalo na kung may bagyo. Dagdag pahirap din ang mga basura sa kalsada ay nagdudulot ng pagbabara ng mga kanal.

Alinsunod sa Republic Act No. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 na kabalikat ang lokal na pamahalaan dito na may pangunahing responsibilidad sa tamang pamamahala ng basura. Tayong mga mamamayan ay kaisa sa tungkuling tumulong sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng paligid sa pamamagitan ng tamang pagtatapon at pagbubukod ng basura.