Nahatulang makulong ang isang babae dahil sa pagsisinungaling para makuha ang buwanang pensyon ng kanyang ina.

Hinatulan ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 100 si Angelina Vergara dahil nagpanggap siya bilang si Corazon Vergara, na kaniyang ina, upang kunin ang death pensyon nito bilang survivorship pensioner ng ahensya.

Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na ang akusadong si Angelina Vergara ay nasentensiyahang makulong ng anim na taon at isang araw hanggang walong taon dahil sa paglabag sa Section 28 ng Social Security Law.

“Namatay na ang kanyang ina noong Abril 6, 1993 pero kinukuha pa din ni Bb. Vergara ng pensyon ng kanyang ina. Iligal niyang kinuha sa bangko ang pensyon at makikita ito sa kabuuang overpayment na nagkakahalaga ng P180,732.71,” sabi ni Dooc.

Batay sa desisyon ng RTC, natuklasan ang hindi awtorisadong withdrawals noong tumanggap ang kapatid ng akusado na si Alfredo Vergara ng liham mula sa bangko na nakapangalan sa kanyang ina na si Corazon. Inabisuhan niya kaagad ang bangko at pinayuhan siyang i-report ito sa SSS upang ipakita ang death certificate ng ina.

Nag-isyu din ng testimonya ang kapatid ng akusado na si Elma Vergara upang suportahan ang imbestigasyon at sinabing si Angelina ang nag-withdraw ng buwanang pensyon ng kanilang ina.

Habang dinidinig ang kaso, umamin ang akusado at nagbayad ng P57,000 upang iayos ang kanyang pananagutang sibil.

Ayon kay SSS Corporate Litigation Department Head at handling lawyer na si Atty. Henry C. Pablo, ang pag-amin ni Vergara ay naging malakas na ebidensya na humantong sa nasabing hatol.

“Doon pa lamang sa aktong kinuha niya ang benepisyong hindi naman nararapat sa kanya ay klaro na nais dayain ni Vergara ang SSS,” sabi ni Pablo.

Maliban sa anim hanggang walong taong pagkakabilanggo, iniutos din ng korte na magbayad si Vergara ng P123,732.71 danyos sa SSS pati na rin ang pagbabayad ng legal interest rate na 6 porsyento kada taon.

“Magsilbi sana itong paaalala sa lahat na malaking pagkakasala ang kumuha ng benepisyo sa SSS na hindi sa iyo. Hindi hahayaan ng SSS ang mga maling gawain gaya nito. Sisiguraduhin namin na mapaparusahan ang mga may sala gamit ang buong pwersa ng batas,” ayon pa kay Dooc.