Doktor at Presidente ng shipping company tinutugis ng SSS at PNP

Patuloy pa rin ang isinasagawang pagtugis ng Social Security System (SSS) at Philippine National Police (SSS) sa mga delingkwenteng employer matapos na mag-issue ng warrants of arrest sa doktor na may-ari ng dermatology clinic at presidente ng shipping company dahil sa hindi pagbabayad ng Social Security System (SSS) contributions ng kanilang mga empleyado.

Inihain ang unang warrant of arrest kay Dr. Joel C. Mendez, may-ari ng Weigh Less Center na nasa Farmer’s Plaza, Cubao matapos siyang hatulan ng Regional Trial Court ng Quezon City ng anim na taon at isang araw hanggang pitong taong pagkakabilanggo.

Base sa desisyon, pinagbabayad si Mendez ng halagang P1,865,657.50 dahil sa mga hindi nabayarang kontribusyon ng kanyang mga empleyado mula Oktubre 2011 hanggang January 2013 kasama na ang tatlong porsyentong interes kada buwan mula Hulyo 2015 hanggang sa mabayaran ito ng buo.

Pinuntahan ng PNP ang bahay ni Mendez sa Barangay Talipapa, Quezon City upang ihain ang warrant of arrest ngunit wala ito sa bahay. Ayon sa mga kasambahay ay nakatira na ngayon si Mendez sa probinsya.

Sa parehong araw maghahain din dapat ng warrant of arrest kay Peter Nicholas M. Toundjis II, Presidente ng Niovis Shipping Co. F.A./ El Greco Ship Manning and Management Corporation dahil sa hindi pagbabayad at pagreremit ng kontribusyon sa SSS. Sinintensyahan si Toundjis ng anim na taon at isang araw na pagkakabilanggo at pinagbabayad ng P324,122.64. Subalit sinabi ng kapatid ni Toundjis na hindi na ito nakatira sa rehistradong tirahan sa La Vista Subdivision, Quezon City. 

Nanawagan naman ng tulong sa publiko si SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel Dooc para sa agarang ikadarakip nila Mendez at Toundjis II.

“Kailangan nilang harapin ang kanilang pananagutan sa batas. Ito ay babala na determinado at hindi titigil ang SSS sa paghahabol sa mga abusadong employer na lumalabag sa batas sa kapinsalaan ng mga manggagawang miyembro ng SSS,” ani ng pinuno ng SSS.

Sinabi rin ni Dooc na ipagpapatuloy ng SSS ang pagtugis sa mga delingkwenteng employer at regular na paghahain ng warrants of arrest kasama ang PNP.

Tell us what you think!

You might also like to read:

Permanent link to this article: http://noonbreakbalita.com/doktor-at-presidente-ng-shipping-company-tinutugis-ng-sss-at-pnp/