Employer ng Security Agency, kulong ang hatol sa hindi pagbayad ng kontribusyon sa SSS

Anim hanggang 20 taon ang hatol ng Quezon City Regional Trial Court sa may-ari ng security agency, matapos na hindi mabayaran ang Social Security System (SSS) contribution ng mga empleyado nito nang higit sa anim na taon na  umaabot na sa halagang P675,000 kasama na ang penalty.

Kinilala ni  Judge Rosa M. Samson ng QC-RTC Branch 105 si Gomander S. Dimaporo, may-ari ng GDS Security Investigation Agency na naka-base sa Sta. Cruz, Maynila. May kabuuang P179,924 na SSS contribution ng mga empleyado ang hindi binayaran ni Dimaporo mula Enero 2004 hanggang Abril 2010.

Hinatulang “guilty beyond reasonable doubt” si Dimaporo at sinintensiyahan ng pagkakakulong ng minimum na apat na taon at dalawang buwan na prison correccional at maximum na 20 taon na reclusion temporal alinsunod sa Social Security Law at Indeterminate Sentence Law.

Nagdesisyon din ang korte na dapat bayaran ni Dimaporo sa SSS ang mga hindi nai-remit na kontribusyon pati na rin ang mga buwanang penalty, na patuloy na lumalaki hanggang mabayaran ang kabuuang obligasyon sa SSS. Sa ilalim ng SSS charter, may penalty na tatlong porsyento bawat buwan ang kontribusyong hindi nabayaran sa takdang oras.

Nadiskubre lamang ang delingkwenteng kontribusyon matapos na mamonitor  ni Nancy D. Bagoyoro, SSS Senior Account Analyst ng SSS Welcome Rotonda Branch, na sa kanyang pag-monitor ng employer compliance, na bahagi ng kanyang tungkulin bilang SSS account officer. Napansin di umano ni Bagoyoro na nanatiling delingkwente ang account ni Dimaporo bilang employer, kung kaya, inindorso ang kaso kay Atty. Junjie M. Labangco ng SSS National Capital Region – West Legal Cluster Unit, na siya namang nagsampa ng kaso para sa SSS.

Ayon sa testimonya ni Bagoyoro, hindi pa rin binayaran ng kumpanya ang kanilang delingkwenteng SSS contribution kahit na nagbigay ng abiso ang SSS kay Dimaporo sa pamamagitan ng letter of introduction, billing letter at demand letter. Ilang ulit ring hindi sumipot si Dimaporo sa mga itinakdang pagdinig ng kaso sa korte.

“Kahit na maraming pagkakataon ang SSS pati na rin ang Korte habang ipino-proseso ang kaso, hindi pa rin nagpakita ang inakusahan at hindi rin ito nagbigay ng ebidensiya upang pabulaanan ang kaso laban sa kanya at patunayang inosente siya,” ayon sa limang-pahinang desisyon ng Hukom.

Tell us what you think!

You might also like to read:

Permanent link to this article: http://noonbreakbalita.com/employer-ng-security-agency-kulong-ang-hatol-sa-hindi-pagbayad-ng-kontribusyon-sa-sss/