May-ari ng security agency, arestado sa SSS “Operation Tokhang”

Arestado ang may-ari ng isang security agency sa isinagawang “Operation tokhang” kahapon ng Social Security System (SSS) kasama ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) sa paglabag sa Republic Act 8282 o ang Social Security Act of 1997. 

Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na matagumpay na naaresto ang may-ari ng Knightwatch Security Agency na si Ms. Babelyn S. Castillo. 

“Nakakalungkot na mas pinili pa ng employer na magtago sa awtoridad kaysa tuparin ang kanyang obligasyon hindi lang sa SSS kundi sa kanyang mga empleyado na nagdusa dahil sa mali nilang gawain. Dahil dito, nais namin pasalamatan ang PNP-CIDG sa kanilang tulong kaya matagumpay ang operasyon na ito,” ayon kay Dooc. 

Batay sa inihaing resolusyon ng Office of the City Prosecutor sa Quezon City, inireklamo ng SSS si Castillo dahil sa hindi pagbabayad ng SSS contribution ng kanilang empleyado noong Nobyembre 2009 hanggang June 2010 at Marso 2011 hanggang Agosto 2011. 

Kahit nakatanggap ng demand letters at mga paalala, hindi pa rin nagsumite si Castillo ng mga dokumento upang pasinungalingan ang mga akusasyon laban sa kanyang kumpanya. 

Mula Setyembre 30, 2011, may kabuuang utang na P180,368.34 ang akusado mula sa hindi binayarang kontribusyon at naipong buwanang interes na tatlong porsyento. 

Inihain ang warrant of arrest kay Castillo sa kanyang tirahan sa Cainta, Rizal. Bago isagawa ang operasyon, kinumpirma ng mga awtoridad na nagtatrabaho bilang Zumba instructor ang akusado tuwing umaga. 

“Ang pagkakaaresto kay Castillo ay isang malinaw na indikasyon na patuloy namin hahabulin ang delingkwenteng employers. Kaya’t nais namin paalalahanan muli ang ating mga employers na gawin ang tama at bigyan ng proteksyon ang kanilang mga empleyado. Sisiguraduhin namin na tutugisin namin sila gamit ang buong puwersa ng batas,” sabi ni Dooc.

Tell us what you think!

You might also like to read:

Permanent link to this article: http://noonbreakbalita.com/may-ari-ng-security-agency-arestado-sa-sss-operation-tokhang/