SSS, binatikos ang NGCP na Pag-aari ni Sy sa Pagkamkam ng Lupa na para sa mga Miyembro at Pensyonado nito

Binatikos ni Social Security System (SSS) Commissioner Pompee La Viña  ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang kumpanyang pagmamay-ari ni Henry Sy, Jr., dahil sa banta nitong pagkuha sa lupa ng SSS na matatagpuan sa Pasay City na nakalaan para sa pagpapatayo ng SSS Corporate Center of the South na may kasamang ospital para sa mga miyembro at pensyonado. 

Nais kunin ng NGCP ang 60,872 square meters na bahagi ng 129,548 square meters na lupa ng SSS na makikita sa Diokno Avenue sa Pasay City malapit sa Film Center of the Philippines, Government Service Insurance System, SM Investment Properties at iba pa. 

Sinabi ni Commissioner La Viña sa isang press conference na ang NGCP ay walang konsiderasyon at walang konsensya dahil nais nilang kamkamin sa halos 34 milyon na miyembro pati ang mga pensyonado ng SSS na umaasa sa mga serbisyo ng SSS kabilang na ang planong pagpapatayo ng SSS Corporate Center of the South at ospital.

“Kaunting malasakit lang po. Huwag po sana nating kunin ang lupa ng mahihirap na Pilipino. Sana, huwag po natin silang gugulangan; sana po huwag po natin silang apihin,” sabi ni La Viña. 

Ayon sa SSS, ang NGCP na isang pribadong korporasyon, ay walang awtoridad na kamkamin ang lupang pagmamay-ari ng publiko. Kwinestyon nito ang aksyon ng NGCP sa pagkuha ng lupa samantalang ang kapangyarihang ito ay mula sa Kontitusyon at isang likas na kapangyarihan ng estado. 

Noong Mayo 26, 2016, inamyendahan ng NGCP ang kanilang reklamo at nilakihan ang bahagi ng lupa na nais nilang kunin mula 42,218 hanggang 60,872 square meters at itinaas din nila ang presyo ng bawat square meter mula P3,000 hanggang P24,000 o kabuuang P1,460,928.00.

Subalit, ayon kay ni La Viña mas mahal ang halaga ng lupa ng SSS kaysa sa ibinibigay ng NGCP. 

“Malulugi po ng halos P10 bilyon ang mga mamayang Pilipino kung itutuloy niyo po yan. lto po ay di hamak mas masahol pa sa krimeng plunder!” 

Ang SSS, sa pamamagitan ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC), ay naghain ng Petition for certiorari with Prayer for the Issuance of a Status Quo Ante Order and/or Writ of Preliminary Mandatory Injunction noong Mayo 17.

Tell us what you think!

You might also like to read:

Permanent link to this article: http://noonbreakbalita.com/sss-binatikos-ang-ngcp-na-pag-aari-ni-sy-sa-pagkamkam-ng-lupa-na-para-sa-mga-miyembro-at-pensyonado-nito/