SSS Cubao, Lumipat sa Mas Malaking Opisina

Inilipat ng Social Security System (SSS) ang Cubao branch,  sa mas malaki at mas magandang opisina sa ikalawang palapag ng Puregold Building sa may Aurora Boulevard sa loob ng Araneta Center sa Quezon City. Ang branch ito ay  nakakatanggap ng may bilang na mahigit 21,300 na transaksyon sa araw-araw,

Ayon kay SSS Senior Vice President para sa National Capital Region (NCR) Operations Jose B. Bautista, makakatulong ang paglipat ng SSS Cubao sa pagbibigay ng mas maayos na serbisyo sa higit sa100,000 miyembro at halos 8,200 employers mula sa 47 barangay sa ilalim ng pamunuan nito.

“Matao at abalang lugar ang Cubao, kung saan matatagpuan ang iba’t ibang mga negosyo tulad ng maliit na nagbebenta sa palengke, shopping mall, at mga call center na daan-daan ang empleyado. Kaya naman mataas ang demand rito para sa mga serbisyo ng SSS ng mga employer, miyembro at iba pang mga kliyente na nakatira, bumibisita o nagtatrabaho roon,” ayon pa kay Bautista.

Tumatanggap ang SSS Cubao ng halos 3,500 walk-in na kliyente araw-araw. Maliban sa mas malaking lugar para sa mga employer at miyembro na may transaksyon sa SSS, bagong gawa rin ang opisina gayundin ang mga pasilidad nito na naaayon sa pamantayan ng SSS para sa mga sangay nito.

Sinabi ni Bautista na madaling puntahan ang bagong opisina, na bukas mula 8 a.m. hanggang 6 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes, gamit ang mga pampublikong sasakyan. May sukat ang bagong opisina ng SSS Cubao na 1,134 square meters, mas malaki sa dating opisina nito sa may EDSA na may sukat lamang na 972 square meters.

“Malapit ang SSS Cubao sa mga establisyemento gaya ng banko at kainan gayundin ang sangay ng mga iba’t-ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Land Transportation Office, Philippine Health Insurance Corporation at Home Development Mutual Fund,” ayon kay Bautista.

Bilang full-service branch, tumatanggap ang SSS Cubao ng transaksyon gaya ng pagbibigay ng Social Security (SS) numbers maging ang Employer ID numbers at Certificates of Registration para sa mga employer; biometric data capture para sa mga nais kumuha ng Unified Multipurpose Identification System (UMID) card; pagtanggap ng aplikasyon para sa SSS loans at ibang benepisyo; tellering services at iba pa.

Maliban sa SSS Cubao, maaaring bumisita ang mga employer at miyembro sa SSS Service Office na matatagpuan sa ikatlong palapag ng Ali Mall mula 10 a.m. hanggang 6 p.m. ng Martes hanggang Sabado kung saan sila ay maaaring kumuha ng SS at Employer ID numbers, magsumite ng aplikasyon para sa loan at mga benepisyo, at magpa-UMID data capture.

Sa kasalukuyan, may kabuuang limang opisina ang ahensya sa NCR na matatagpuan sa loob ng Puregold Malls: SSS Pado de Blas, SSS Valenzuela, SSS Paranaque, SSS Las Piñas at SSS Cubao.

“Nais naming pasalamatan ang pamunuan ng Ellimac Prime Holdings, Inc. dahil binibigyan nito ang SSS ng opisina sa loob ng kanilang mga mall, isang patunay ng malakas na suporta nito sa mandato ng SSS para magbigay ng social security protection sa mga manggagawang Pilipino,” sinabi pa ni Bautista.

Tell us what you think!

You might also like to read:

Permanent link to this article: http://noonbreakbalita.com/sss-lumipat-sa-mas-malaking-opisina-sa-cubao/