SSS Pensioners’ Day Idinaos nationwide

Nitong nakaraang Mayo 5, 2017 sinimulan ng Social Security System ang pagbibilang tungo sa selebrasyon ng ika-60 anibersaryo nito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Pensioners’ Day sa buong bansa bilang pasasalamat sa tulong na ibinigay nila para sa pagpapatatag ng SSS lalo na noong sila ay nagtatrabaho pa.

Sinabi ni SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na kinikilala ng SSS ang mahalagang kontribusyon sa ahensya ng mga pensyonado na matiyagang nagbayad ng kanilang buwanang kontribusyon noong sila ay mas bata pa.

“Labis kaming nagpapasalamat sa mga pensyonado at ang kanilang dedikasyon sa SSS. Sila ay nagtrabaho ng maraming taon para matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya at para makabayad ng kontribusyon. Ngayon, nais naming ibalik ang tulong na ibinigay nila at kami naman ang mag-aalaga

sa kanila,” sabi ni Dooc.

Ang pagdiriwang ay inorganisa kasama ang Federation of Senior Citizens Association of the Philippines (FESCAP) at Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) ito ay dinaluhan ng halos 3,500 pensyonado na nakatanggap ng libreng check-up at mga gamot. May mga Medical Specialists na nagbahagi ng kaalaman tungkol sa kalusugan.

Maliban sa libreng gamot at check-up, ang mga pensyonado ay sumali din sa iba’t-ibang palaro at marami sa kanila ang nakapag-uwi ng raffle prizes. Nakibahagi din sila sa isang salu-salo at ang bawat isa sa kanila ay nakatanggap ng regalo.

“Dahil ang programang ito ay para sa kanila, ang mga pensyonado ay binigyan ng pagkakataon para ipakita ang kanilang talento at nakakataba ng puso na makita silang kumakanta at sumasayaw,” sabi ni Dooc.

Sa National Capital Region, ang Pensioner’s Day ay isinagawa sa SSS Main Office sa East Avenue kung saan halos 500 pensyonado ang dumalo. Mahigit kalahati ng mga dumalo ay miyembro ng FESCAP na pinangungunahan ni Mr. Jorge Banal Sr.

Sa kabilang dako naman, ang Pensioners’ Day sa Luzon, Visayas at Mindanao ay ginawa sa mga piling lugar.

Sa Luzon, ang Pensioners’ Day ay ginawa sa 5th Floor ng SSS Baguio, OSCA sa Cauayan, Isabela, Ayala Malls Activity Center A and B sa Legaspi, SM Pampanga Trade Hall sa Pampanga, Marawoy Covered Court sa Marawoy Lipa City, Robinsons Place Activity Center sa Calasiao, Pangasinan at Centtro Mall sa Los Baños, Laguna.

Para sa Visayas, ang pagdiriwang ay ginawa sa Cogon Gymnasium sa Tagbilaran City, Brgy. Punta Gym sa Ormoc City, Banago Elementary School 1 Gym sa Bacolod City at Brgy. Katilingban Covered Gym sa Molo, Iloilo City.

Samantala, ang Pensioners’ Day sa Mindanao ay ginawa sa Event Center ng Limketkai Mall sa Lagpasan, Cagayan de Oro City, GSP Covered Court sa Matiao Nat’l Highway sa Mati, Davao, Robinsons Place sa General Santos City at City Mall sa Tetuan, Zamboanga City.

“Ang bawat pagdiriwang sa mga nabanggit na lugar ay dinaluhan ng halos 200 pensyonado na nag-enjoy sa parehong mga actibidad. Kami ay lubos na nasisiyahan dahil nakapagbigay tayo ng kasiyahan sa mga pensyonado sa buong bansa,” sabi ni Dooc.

Tell us what you think!

You might also like to read:

Permanent link to this article: http://noonbreakbalita.com/sss-pensioners-day-idinaos-nationwide/