SSS toll-free calls, bukas na para sa mga OFW members

Inilunsad ng Social Security System (SSS) ang 1-800 Toll-Free International Call Services sa mga pangunahing destinasyon sa mundo upang paigtingin ang kampanya sa pagbibigay ng social protection sa mga overseas Filipino workers (OFWs).

Ang mga toll-free numbers ay 001-8000-CALL-SSS para sa Hong Kong at Singapore; 00-8000-CALL-SSS para naman sa Malaysia and Taiwan, Italy and United Kingdom; 801-4275 para sa bansang Brunei; 00800-100-260 para sa Qatar; 800-0630-0038 para sa United Arab Emirates; 800-863-0022 para sa Saudi Arabia; at 8000-6094 para sa Bahrain.

Ayon kay Judy Frances A. See, SSS Senior Vice President ng International Operations, ang mga bagong toll-free services ay karagdagang serbisyong hatid ng SSS OFW Contact Services Unit (CSU) para sa mga miyembrong nasa karatig bansa, kabilang na dito ang hotline numbers, e-mail support at special desk assistance.

“Para mas madaling matandaan ng mga OFW members, ang mga toll-free numbers ay nagtatapos sa 2255-777 na ang ibig sabihin ay ‘CALL SSS’. Simula November 16, ang mga linya ng telepono ay bukas na upang serbisyuhan ang ating mga OFWs simula ala-sais ng umaga ng Lunes hanggang ala-sais ng umaga ng Sabado, base sa oras sa Pilipinas,” paliwanag ni See.

Nitong nakaraang taon ay itinatag ng SSS ang OFW-CSU upang mas mapadali ang komunikasyon sa pagitan ng SSS at kanilang mga miyembro, partikular ang sektor ng OFW na may partikular na interes at pangangailangan na dapat tugunan. Dahil sa bagong serbisyong ito, pinahaba ng OFW-CSU ang kanilang operating hours mula 16/5 ay naging 24/5 na.

“Ang aming mga toll-free call services, CSU hotline numbers at e-mail address ay makakatulong sa mga OFW members upang madaling makapagtanong at iparating ang kahilingan sa SSS, samantalang kami naman ay mas mabilis na makakatugon sa kanila.”, dagdag ni Sy.

Maliban sa bagong toll-free numbers, maaaring ipadala ng mga miyembrong nasa ibang bansa ang kanilang mga katanungan sa OFW-CSU gamit ang email address na ofw.relations@sss.gov.ph at sa numerong +632 364-7796 at +632 364-7798. Maaari din silang pumunta sa special desk assistance services ng SSS Main Office sa Quezon City tuwing Lunes hanggang Biyernes.

Ang mga karaniwang transaksyong natatanggap ng CSU ay reactivation ng SSS membership, kumpirmasyon ng kontribusyon at loan records, katanungan sa proseso ng pag-aapply ng SS number, lokasyon ng foreign representative offices, SSS payment channels sa kanilang lugar, at status ng iba pa nilang aplikasyon sa SSS.

“Upang mas mabilis sagutin ang mga tanong sa SSS, lalo na sa mga OFWs na nais mai-update ang kanilang mga kontribusyon, loan at iba pang benepisyo, mas mainam na ilagay nila ang kanilang SS number, pati na rin ang kopya ng kanilang IDs at pasaporte kung magpapadala sila ng e-mail sa OFW-CSU. Kung sila ay tatawag sa CSU, dapat ay nakahanda din ang mga ito,” payo ni See.

Makikita ang listahan ng SSS toll-free numbers sa SSS Website (www.sss.gov.ph) at sa opisyal SSS Facebook page (https://www.facebook.com/SSSPh). Inaanyayahan ang mga OFWs na magrehistro sa My.SSS facility ng SSS Website upang maaari din nilang tingnan ang SSS records gamit ang internet.(SSSMedia Affairs Department)

Tell us what you think!

You might also like to read:

Permanent link to this article: http://noonbreakbalita.com/sss-toll-free-calls-bukas-na-para-sa-mga-miyembrong-ofw/