MAYNILA — Nakikiisa ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) kasama ang FEJODAP, STOP N GO, ACTO, ACTONA, UV Express, at iba pang transport groups sa protesta ng mamamayan laban sa umano’y katiwalian at sabwatan sa DPWH, COA, at ilang kontraktor ng mga proyektong pinopondohan ng buwis ng taumbayan.
Giit ng mga grupo, dapat magkaroon ng agarang, independiyenteng imbestigasyon at ganap na transparency sa paggamit ng pondo para sa mga flood control at iba pang pinagdududahang “ghost projects.”
Kasabay nito, nananawagan din sila sa pamahalaan na palakasin ang Public Transport Modernization Program (PTMP) upang magkaroon ng maayos, ligtas, at abot-kayang transportasyon para sa lahat. Hiling din nila ang insurance coverage para sa mga drayber, na matagal nang napapabayaan sa kabila ng malaking ambag nila sa ekonomiya.
Binatikos ng LTOP ang Joint Administrative Orders (JAO) na umano’y labag sa batas, dahil nagpapataw ng mas mataas na multa kaysa sa nakasaad sa Republic Act 4136. Giit nila, tanging Kongreso ang may kapangyarihang gumawa o mag-amyenda ng batas, ayon sa 1987 Konstitusyon.
Nagpahayag naman sila ng buong suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang hakbang laban sa katiwalian.
“Salamat, Pangulong Marcos at sa malasakit sa bayan. Nawa’y patuloy kayong patnubayan ng Diyos sa inyong paglilingkod,” pahayag ng LTOP.
Nanawagan ang mga transport group na gamitin nang tama ang buwis ng mamamayan at tiyaking ang mga drayber ay mabigyan ng karampatang tulong at proteksyon, bilang mga haligi ng pampublikong transportasyon sa bansa.