ANG Seaweeds ay isang uri ng gulay sa dagat na isa sa pinakamayamang halaman sa buong mundo. May mga nutrisyon itong taglay ayon kay Marife Dela Torre, general manager ng Samahan ng mga Manggagawa sa Balatasan (SAMASABALATASAN) na matatagpuan sa Balatasan Bulalacao Oc. Mindoro. Akin siyang nakapanayan sa ikalawang pagbubukas ng 2nd TienDA Farmers and Fisher folks Outlet, 2nd AgriTalk sa Agricultural Training Institute (ATI) DA Quezon City nuong Agosto 17, 2017.
Lubhang naka-akit sa aking atensyon ang kanilang mga panindang produkto sa naturang pagbubukas. Mayroon silang paninda na seaweed canton, instant noodles, pickles at crackers. Ganuon din ang mga gamit pangkatawan tulad ng sabon na may iba’t ibang sangkap tulad ng honeymilk, kalamansi, Acapulco, bayabas at papaya, dagdag na din ang seaweed shampoo bar, Ang shampoo bar daw ay napakaganda sa paghaba at pagtibay ng buhok at makakaiwas din sa pagkalagas nito. May mga benepisyo sa balat na nakakatulong maiwasan ang pagkasira at pagkasunog ng balat, pagtanda ng balat at pekas, nakakakinis at nakapagpapabata ng balat.
Ayon pa sa grupo ng SAMASABALATAN, ang mga taglay na benepisyo ng seaweeds sa ating katawan ay nakakatulong upang labanan at iwasan ang pagkakaroon ng cancer at leukemia. Nakakabawas din ng cholesterol at taba, nakapagpapataas ng fertility o may taglay na sexual health benefits sa taong makakakain nito. Nakakaiwas din sa pagkakaroon ng goiter, nakapagbibigay ng maayos na pagkain na nagpapabilis ng metabolismo. Hindi din daw masisira o mabubulok ang ngipin, Dagdag pa din na nakakapagpababa ito ng dugo para makaiwas sa stroke o sakit sa puso at mainam ding detoxification and cleansing ng ating dumi.
Pakiusap pa ni Ms Dela Torre, na sana tangkilikin natin ang kanilang mga produkto na sariling gawa ng mga Mindorenyo na makikita sa ginaganap na TienDA sa kasalukuyan. Hindi lang sa ATI compound mayroon nito sa ngayon (Agosto 17-18) kundi madami pang iikutan ang pagbebenta ng mga produkto ng DA at Fisheries na target ay libutin ang iba pang lugar sa Metro Manila.
Matatandaan na ang TienDA ay inilunsad nuong Hulyo 28-30, 2017 sa Bureau of Plant and Industry. Ang TienDA ay lugar kung saan ang mga magsasaka at magdaragat ay puwedeng direktang ibenta ang kanilang mga produkto sa murang halaga. Tinatayang nasa 90 magsasaka at mga kooperatiba sa buong bansa ang nakilahok dito at nakakuha ng 1.2 milyong pisong benta ayon naman sa BPI official website.