Inatasan na ni Mayor Francis Zamora ang San Juan City Health Office sa pakikipagtulungan ng Department of Health na i-disinfect at pansamantalang isarado sa publiko ang Muslim prayer room sa Barangay Greenhills, San Juan City.
Sa ipinalabas na press statement ni Zamora, nagbigay ito ng direktiba matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na ang panibagong kaso ng Corona Virus Disease 2019 (COVID 19) ay mula sa isang pasyenteng nakatira sa kalapit na bayan ng lungsod at palagiang pumupunta sa nabanggit na prayer room. Ang nasabing pasyente ay isang 62-taong gulang na lolo na pumunta ng ospital noong Marso 1 matapos makaranas ng matinding pag-ubo at pneumonia.
Inaalam na ngayon ng DOH at Pamahalaang Lungsod ng San Juan kung sino-sino ang posibleng mga nakasalamuha ng pasyente na maaaring nagpapakita na rin ng sintomas nitong mga huling linggo ng Pebrero at unang linggo ng Marso. Inatasan na rin ng Alkalde ang City Health Department na magsagawa ng mga pagdidisinfect sa nasabing lugar.
“Sinisiguro po namin sa inyo na makikipagtulungan po kami sa DOH at makikipag-ugnayan sa iba pang kinauukulang mga ahensiya at maglalabas ng impormasyon sa tamang panahon,” ayon pa kay Zamora.
Hinikayat din ni Mayor Zamora ang publiko na maging kalmado sa kinakaharap na panibagong kaso ng COVID 19, kasunod ng apela na gawing regular ang paghuhugas ng kamay, paggamit ng hand sanitizer at tamang paraan ng pag-ubo at dumistansiya ng kahit isang metro sa nakapaligid na tao. Ugaliin din umanong ng bawat indibidual na idisinfect at isanitised ang sarili para na rin sa kanilang precaution. Pinapakiusapan din ng alkalde ang mga taong nakakaranas ng mga pag-ubo at lagnat na magtungo kaagad sa San Juan Medical Center upang maisailalim sa pagsusuri.
“Maaari kayong tumawag sa DOH sa telepono 8651-7800 local 1149 at 1150; San Juan City Health Office 7625-5845 at City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) sa 0923-667-5046 at 0917-0870 para maasikaso agad kayo,” Dagdag pa ni Zamora.