Sasailalim sa total lockdown sa loob ng isang linggo ang Barangay Addition Hills Mandaluyong City mula Mayo 7 hanggang Mayo 13, taong kasalukuyan.
Nakipag pulong si Mandaluyong Mayor Menchie Abalos sa mga opisyal ng Barangay Addition Hills kasama ang City Health Department at mga miyembro ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), Mandaluyong City Medical Center, kapulisan at Philippine Army para pag-usapan ang tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa nasabing barangay.
Sa isinagawang pag-uusap ni Mayor Abalos at Chairman Carlito Cernal, at ang kanyang Konseho sa rekomendasyon na rin ng CESU, inaprubahan ng Alkalde na isailalim ang Barangay Addition Hills sa TOTAL LOCKDOWN sa loob ng isang linggo mula sa Mayo 7, 2020. “Ang Barangay Addition Hills po ang may pinakamataas na bilang ng Confirmed COVID-19 cases na barangay sa Mandaluyong City at sa buong Pilipinas,” ayon pa sa Alkalde. “Habang nasa ilalim po ng Total Lockdown ang Barangay Addition Hills, magsasagawa naman po tayo ng random rapid testing sa 3,000 residente sa pamamahala ng ating CESU”.
“Maghahatid din po ang Pamahalaang Lungsod ng food packs sa bawat bahay para sa lahat ng residente ng barangay simula bukas Mayo 5,at maglalabas po tayo ng Executive Order para po sa guidelines ng pagpapatupad nito sa Barangay Addition Hills na atin pong ipo-post sa aking facebook page at sa Mandaluyong Public Information Office”, ayon pa kay Abalos.
Kasalukuyan na rin umanong pinagaaralan ng Mandaluyong City ang ibang Barangay sa lungsod na mayroon ding mataas na bilang ng COVID-19 confirmed cases para sa mga hakbang na isasagawa dito. Maglalabas din umano ng anunsyo ang pamahalaang lungsod tungkol dito sa mga susunod na araw.
Habang umiiral ang total lockdown mahigpit umanong ipagbabawal ang pag labas masok ng mga residente sa kanilang mga tahanan kahit umano mayroon silang dalang quarantine pass, maliban na lang kung mayroong emergency case. Pahihintulutan naman umanong makalabas masok ang mga healthcare workers at ilan pang mga mga essential workers.