Inanunsyo na ni DepEd Secretary Leonor Briones ang muling pagbubukas ng klase ngayong school year 2020-2021 sa darating na Agosto 24 na magtatapos sa ika-30 ng Abril taong 2021.
Sa kabila ng krisis na kinakaharap ng bansa dahil sa corona virus (COVID-19) at dahil na rin sa banta sa kalusugan ng mga batang magaaral, sinuguro ng kagawaran na patuloy na matutoto ang mga estudyante sa pamamagitan ng nakahandang mga bagong curriculum na angkop sa New Normal upang mapangalaan ang kalusugan at seguridad ng mga magaaral at mga guro.
Nilinaw din ni Sec. Briones na hindi ito nangangahulugang pisikal na papasok sa mga klase ng mga estudyante at guro sa parehong pampubliko at pribadong paaralan, dahil maaari umano silang mag lesson sa pamamagitan ng virtual classes dahil marami pa rin aniyang mga lugar na nasa ilalim pa rin ng ECQ o Enhance Community Quarantine.
Binigyang diin ni Sec. Briones ang malaki at mahalagang papel ng mga magulang, lolo at lola para matuto ang mga bata sa panahong ito na nasa ilalim tayo ng ECQ at karamihan ay nananatili sa loob ng tahanan.
Sa darating na June 1, magsisimula na umano ang trabaho ng mga guro para sa enrollment. Gayundin maaaring maging pisikal o virtual ito gagawin para na rin masiguro ang kaligtasan ng mga guro laban sa sakit na COVID-19. Dagdag pa ni Briones na handa na rin ang DepEd sa mga pagbabago sa batas na ilalabas ng pamahalaan.
Dagdag pa nito, na kanselado na rin ang National Event for Education sa buong bansa upang maiwasan umano ang malalakihang pagtitipon ng mga tao sa iisang lugar. Ilan sa mga programang nabanggit ni Sec. Briones ay ang Palarong Pambansa, Campus Journalism, Trade Fair at marami pang iba.