“Serye ng Tulang Dagdag Kaalaman”

Ni: Prof JD Agapito

image

“Araw ng mga Ama” June 20,2021

Kapag Mayo ay sadyang nagdiriwang
Araw ng mga INA ay alam na alam na
Kapag Hunyo ay mga Ama naman
Dalawang okasyong ating pinapahalagahan

Ibig sabihin ay binibigyang pansin
Itong Ama at Ina ng tahanan natin
Magkatuwang na gabay ng mga supling
Inihahanda sila sa bukas na darating

Dahil Hunyo kaya ang AMA ang tututukan
Paano ba hinaharap ang kasalukuyan?
Lalo na ngayong may pandemya sa sanlibutan
Tiyak na nag-iisip ng mga pagkakakitaan

Maraming ama ng tahanan ang nawalan ng trabaho
Halimbawa na lang ay ang regular na pamamasahero
Kaya may mga tsuper pa ring sadyang problemado
Pilit kinakaya ang mga hamon dito sa mundo

Kaya bilang mga padre de pamilya ay nagsisikap
Na magkaroon ng pagkain sa kanilang hapag
Maitaguyod din ang mga lumalaking mga anak
Edukasyon pa rin ang nais ipamanang ganap

Kung iisipin ay sadyang may mga kabigatan
Mga tungkulin ng pagiging AMA dito sa sanlibutan
Subalit kung mananalig sa Diyos Ama sa kalangitan
Matitiyak ang mga pagpapala para sa kinabukasan

Kaya may dalanging lakip para sa mga AMA
Kasama na rin sa lahat na nagpapakaama
Maaaring may pamangkin na biglang naulila
O anumang sitwasyong maiiuugnay sa pagiging ama

Nawa lahat ng Ama ay bigyan ng malakas na katawan
Mailayo sa mga panganib o kapahamakan
Kung may mga bisyo nawa ito ay matuldukan
Pagkat sila ang modelo ng ating mga kabataan

Sa huli ay pasalamatan natin ang lahat ng Ama
Sa taos pusong tungkulin sa buong pamilya
At mapanatili ang postibong disposisyong napakahalaga
Puno ang loob ng pag-asang ang bukas ay mas maganda