image

PANIMULANG suwerteng matatawag, ito ang naranasan ng isang bagong samahan ng mga magsasaka sa Nabua, Camarines Sur nang mapili ito bilang benepisyaryo ng mga suportang serbisyo na naglalayong tulungan itong makatayo sa sariling paa sa maagang pagkabuo nito.

Nabiyayaan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang Malawag Agrarian Reform Beneficiaries Farmers Association (MARBFA) ng dalawang seven-horsepower hand tractors at farm inputs na kinabibilangan ng 15 sako ng complete fertilizer, 35 sako ng urea at iba’t-ibang uri ng mga pestisidyo na nagkakahalaga ng P100,000.

Ayon kay DAR-Camarines Sur II provincial agrarian reform program officer Gay Labad, ang mga hand tractors at farm inputs ay naglalayong bigyan ang MARBFA ng kanilang panimulang negosyo – ang pagpapa-arkila ng hand tractors at pagbebenta ng mga farm inputs.

“Umaasa kami na ang mga hand tractors at farm inputs ay makatutulong upang magkaroon kayo ng pagkakataon madagdagan ang inyong kita at maging matibay ang inyong grupo para sa mga bagong hamon na darating,” ani Labad habang isinasagawa ang ceremonial turnover rites sa Barangay Malawag Hall.

Dagdag ni Camarines Sur II assistant provincial officer Ricardo Garcia: “Matutuwa kami kung sa aming muling pagbisita rito ay makikita naming may putik na ang mga hand tractors dahil nagpapakita lamang na pinaaarkila na ninyo ang mga ito.”

Bukod kay Garcia, nagsilbing saksi sina Support to Operations Division chief Rene Bachos, Nabua municipal agrarian reform program officer Luzviminda Solomo at mga staff nito.

Buong lugod na tinanggap ni Sonny Balatong, kasapi ng MARBFA board of directors, ang mga support services sa ngalan ng organisasyon habang kanya ring ipinaabot ang kanilang kasiyahan sa mga tulong na ipinarating sa kanila.

Sinabi ni Balatong na ang MARBFA board of directors ay nakabuo na ng mga panuntunan at mga sistema at pamamaraan sa pagpapaarkila ng mga hand tractors at pagbebenta ng mga farm inputs.image