image

Magsusulong ng mga proyektong pangwika ang Komisyon sa Wikang Filipino at Gumil Filipinas (GF) na makatutulong sa pagtataguyod ng panitikan, kasaysayan, at kultura ng mga Ilokano. Ang dalawa ay magtatag ng mga kolaborasyon at mga gawaing networking sa pagpapaunlad ng wikang Ilokano.

Nagkasundo ang KWF at GUMIL Filipinas (GF) na ipatupad ang Ilokano Language Development and Promotion ng GUMIL Filipinas kabilang ang estandardisasyon ng Ortograpiyang Ilokano. Isa pang proyektong pangwika na isusulong ay ang Innadal na mula sa salitang Ilokano na nangangahulugang “magkasamang matututo,” isang quarterly na seminar sa wikang Ilokano para sa mga kabalikat ng wikang Ilokano na sinimulan noong 2019 ng GUMIL Filipinas.

Kabilang din sa proyekto na itataguyod ang Pasnaan. Ang Pasnaan ay isang salitang Ilokano na nangangahulugang “anvil,” isang taunang palihang pampanitikan na bukás para sa mga nagsisimulang manunulat sa wikang Ilokano sa iba’t ibang genre. Itinatag ito noong 2010 at ilan sa mga fellow ay nagwagi na sa prestíhiyósong timpalak, gaya ng Gawad Palanca, naglathala ng sariling aklat, at patuloy na nagsusulat sa iba’t ibang publikasyon sa Ilokano.

Patuloy rin na palalakasin ang Libro Ilokano na inilunsad noong 2015. Itinatanghal sa Libro Ilokano ang mga aklat sa Ilokano na inilathala ng mga manunulat at tagalathala sa Ilokano. Nagsisilbi rin itong lugar sa pagdaraos ng mga panayam sa kasaysayang pampanitikan ng Ilokano, pagsulat at paglalathala ng aklat, at mga usapin sa karapatang-ari.

Ang mga proyekto ay suportado ni Dr. Arthur P. Casanova, Tapangulo ng KWF at Dr. Benjamin M. Mendillo Jr., Komisyoner para sa Ilokano, bilang pagtupad sa mandato ng KWF na magsagawa, mag-ugnay, at magtaguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika sa Pilipinas.

image