Pinagkalooban ng Department of Agrarian Reform (DAR) ng relief goods ang mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Negros Oriental, isa sa mga lalawigan na labis na naapektuhan ng bagyong Odette ng manalasa sa bansa noong nakaraang Disyembre.
Ayon kay DAR Secretary Bernie F. Cruz, na nanguna sa pamimigay ng relief goods na naglalaman ng bigas at sari-saring de lata, sa bayan ng Mabinay at Bais City, dumalaw sila sa lugar hindi lamang mamigay ng mga pangunahing pangangailangan ng mga magsasaka sa nasabing lugar, kung hindi upang alamin na rin ang aktwal na sitwasyon ng mga magsasaka at marinig ang kanilang mga hinaing mga kailangan para maibangong muli ang kanilang kabuhayan.
“Inatasan ako ni Pangulong Rodrigo Duterte na tingnan ang kapakanan ng mga ARB at at gamitin ang resources ng ahensiya upang matulungan ang mga magsasakang naapektuhan ng bagyo,” ani Cruz.
Inihayag rin ng Secretary na ang ahensiya ay agad na magkakaloob ng mga farm machineries, farm inputs, credit assistance at trainings ang ahensiya upang maseguro ang kabuhayan ng komunidad sa lugar.
Una na rito , inatasan na ni Cruz ang mga DAR field officials na bigyang prayoridad at bilisan ang pagsakop at pamamahagi ng mga nakatiwangwang na kung saan kailangan matapos ang pamamahagi nito sa unang semestre ng 2022.
Bago matapos ang taong 2021, inatasan na ni DAR chief Cruz ang mga regional directors na magsumite, bago o sa mismong araw ng Enero 10, 2022, ng consolidated list ng mga imbentaryo ng mga nakatiwangwang na GOLs at pribadong lupang agrikultural para maipamahagi sa unang semestre ng taon.
“Susundin namin ang utos ng Pangulo, bibilisan namin ang pamamahagi ng lupang agrikultural at uunahin ang mga naging biktima ng nakaraang bagyo,” dagdag pa nito.
Ang mga rehiyon na matinding nasalanta ng bagyong Odette ay ang Caraga, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas at Mimaropa.