Sa pagbisita ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Bernie F. Cruz nitong nakaraang Enero 5, 2022, sa Sycip Plantation Farmworkers Agrarian Reform Cooperative (SPFWAC) sa Barangay San Jose, Manjuyod, Negros Oriental, nagsagawa si Cruz ng pakikipagdayalogo sa mga opisyal at kasapi. Ito ay upang alamin ang kanilang pangunahing pangangailangan para sa rehabilitasyon ng kanilang kooperatiba, kung saan kabilang sa mga nasalanta ng bagyong Odette ay ang kanilang mga pananim at istraktura ng kooperatiba.
Ang SPFWAC ay may 312 agrarian reform beneficiaries (ARBs) na kasapi at may kabuuang sukat ng produksyon na 544.17 ektarya. Ilan sa kanilang agribusiness ay ang produksyon ng tubo, mangga, hipon, bangus, cacao at muscovado processing. Kasama na rin dito ay ang credit financing.
“Buo ang kooperasyon sa DAR ng lokal na opisyal sa inyong lalawigan. Ibibigay namin ang suportang inyong hinihingi upang kayo’y makabangon muli at maibalik ang inyong malakas at kumikitang negosyo na nasira ng bagyo,” aniya sa mga magsasaka.
Si Odette ay ang ika-15 bagyo at ang pinakamalakas na dumaan sa bansa noong nakaraang taon na nanalasa sa iba’t ibang lalawigan.