image

Nagtipon-tipon muli ang kinatawan ng mga Katutubong Pamayanang Kultural at mga ahensiya ng pamahalaan para isapinal ang Adyenda sa Pangangalaga ng mga Nanganganib na Wika noong 30 Hunyo–2 Hulyo 2022. Sinimulang buoin ang Adyenda na ito noong 2019 na may pangunahing layunin na ilatag ang pambansang plano para sa pangangalaga, pagpapalakas, at pagpapaunlad ng mga katutubong wika ng Pilipinas, lalo na ang mga wikang nanganganib nang mawala.

Layunin din nitong ibalangkas ang mga programa at gawain na magsisilbing gabay ng KWF at ng iba pang ahensiya at institusyon na nais makibahagi sa pangangalaga ng mga wika ng Pilipinas. Inaasahan din na sa pamamagitan nito ay mabibigyan ng priyoridad at magkakaroon ng kaisahan at direksiyon ang lahat ng mga inisyatiba at pagsisikap na pangalagaan ang mga katutubong wika ng bansa.

Sa pagsasapinal ng Adyenda binibigyang diin nito ang kahagalagan ng holistikong tugon sa suliranin ng panganganib ng wika na kadalasan ay dulot ng kahirapan, diskriminasyon, at kawalan ng access sa serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon at kalusugan. Nais ding kilalanin ng Adyendang ito ang angking kakayahan ng mga Katutubong Pamanayan para pamunuan ang kanilang sarili, at pangalagaan ang kanilang wika at kultura.

Ibabahagi naman ang naisapinal na Adyenda sa Pambansang Kongreso para sa mga Nanganganib na Wika na gaganapin sa 24–26 Oktubre 2022.

Ang mga dumalong kinatawan ay mula sa Katutubong Pamayanan at mula sa mga tanggapan ng DepEd, DOH, NCCA, NCIP, BFAR-DA, NEDA. NAPC, at KWF.

image