image_thumb[6]

Ipatutupad na ng Pamahalaan Lungsod ng San Juan ang “ Non-Contact Apprehension” Policy, simula sa darating na buwan ng Agosto.

Ito ay matapos na pumirma si San Juan City Mayor Francis Zamora sa isang Memorandum of Agreement sa OPax Company, na siyang naatasang magpatupad ng nasabing programa.

Layunin ng nasabing programa ang matiyak na lahat ng mga motorista ay susunod sa batas trapiko, para maiwasan ang anumang sakuna o aksidente sa mga lansangan.

Naniniwala ang Alkalde na malaking tulong sa pamahalaang Lungsod ng San Juan ang pagpapatupad ng Non-Contact Apprehension, upang matuldukan na ang mga pasaway na motorista na dumadaan sa Lungsod.

Agad na umano nilang sisimulan ang pagkakabit ng mga CCTV camera sa ibat ibang lugar sa San Juan City partikular sa mga pangunahing lansangan.

Matatandaang una ng nagpatupad ng Non-Contact Apprehension ang lungsod ng Parañaque, Quezon City, Maynila, at Valenzuela City, na kung saan ang mga lumalabag sa batas trapiko ay hindi na hinaharang pa ng mga Traffic Enforcers bagkus, ay makatatanggap na lang sila ng sulat sa kani-kanilang mga nakarehistrong address, kalakip ang Traffic Violation, larawan ng nasabing paglabag, at halaga na kailangang nilang bayaran.