Umabot sa mahigit 50,000 pirasong binhi ng isdang tilapia ang ipinunla sa lawa na sakop ng baybaying munisipalidad ng Angono sa lalawigan ng Rizal kamakailan. Ito’y alinsunod na rin sa programang sapat at abot-kayang supply ng pagkain para sa mga mamamayang Pilipino,
Nagsanib-pwersang pumalaot sa Laguna de Bay na kilala bilang pinakamalaking lawa sa Pilipinas, ang mga kawani ng Angono Municipal Veterinary Office at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources(BFAR) para sa pagpupunla ng hindi bababa sa 50,000 binhi ng isdang tilapia sa gawing bahagi ng Angono Lakeside Ecopark nitong nakaraang araw.
Sinabi ni Angono Mayor Jeri Mae Calderon, ito’y angkop at kailangan talaga na pagyamanin ang Laguna de Bay alinsunod na rin sa programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na agresibong nagsusulong ng sapat at abot-kayang pagkain para sa mga mamamayan.
“Sagana sa yamang-dagat ang Lawa ng Laguna. Gayundin ang nalalabing taniman dito sa aming bayan. Hindi totoong kapos ang pagkain. Meron tayong magagawa. Higit na kailanman, ngayon na yun,” ayon pa sa Alkalde.
Ang pagpupunla ng mga binhi ng tilapia ay bahagi ng programang Balik Sigla sa Ilog at Lawa (BASIL) na sadyang binalangkas para isaayos ang kondisyon ng mga lawa at ilog, ayon naman kay BASIL regional focal person Nenita Kawit.
Dagdag pa ng Alkalde, na sitenta porsyento ng mga isdang tabang na isinusuplay sa mga pamilihang bayan sa Metro Manila ay galing sa Laguna de Bay.
“Ang pagpupunla ng binhi ng mga isda sa lawa ay makatutulong sa pagpapayabong ng kabuhayan ng mangingisda sa bayan at para makadagdag na rin ng suplay ng pagkain,” pagtatapos ni Calderon.