MAY labing-isang (11) agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) sa Sultan Kudarat ang makikinabang matapos makatanggap kamakailan ng P2.9-milyong halaga ng farm machineries mula sa Department of Agrarian Reform (DAR).
Ang mga ARBOs na tumanggap ng farm machineries ay ang Libertad Peace and Development Farmers Association, Batang Bagras, Libertad Peace and Development Farmers Association, Maligaya Peace and Development, Telafas Peace and Development, Kalanawe II Farmers Association, Tambak Agrarian Reform Beneficiaries, Palavilla Barangay Irrigation, Barurao II Women’s Association, Cadiz Rice Farmers Association, Nati Communal Irrigators Association, at P4MP Baras.
Kabilang sa ipinamigay na machinery ang 13 unit ng hand tractor na may trailer na nagkakahalagang ng P130,000.00 bawat isa, walong (8) unit ng floating tiller (bao-bao) na halagang P75,250.00 bawat isa at walong (8) unit ng power tiller (kuliglig) na may halagang P76,000.00 bawat isa.
Ito’y alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay DAR Secretary Conrado Estrella, na magkaloob ng support services sa mga ARBOs sa buong bansa.
Nagpasalamat naman si Ruth D. Mayo, Board of Director ng Maligaya Telafas Peace and Development Farmers Association mula sa Columbio, para sa muling pagtulong ng DAR. “Taos-puso kaming nagpapasalamat sa DAR sa patuloy nilang pagtulong na mapagbuti ang aming pamumuhay. Ang mga farm machineries ay malaking tulong sa aming organisasyon. Asahan po ninyo na aalagaan namin ito at gagamitin na maayos na pararaan ,” aniya.
Ang mga farm machineries ay ipinagkaloob sa ilalim ng Sustainable and Resilient Agrarian Reform Communities Project, na naglalayong balansehin ang paglago ng ekonomiya, social well-being at pangangalaga sa kapaligiran.
Sinabi ni H. Roldan A. Ali, DAR Assistant Regional Director, na ang inisyatibong ito ay bahagi ng pagsisikap ng DAR na tulungan ang mga ARBO upang mapalakas ang kanilang produktibidad sa agrikultura at mapaunlad ang pamumuhay ng mga magsasaka.
“Umaasa kami na matutupad ang layunin ng mga farm machineries at maalagaang mabuti dahil ang mga ito ay magbibigay sa kanila ng mas mataas na produkto at kita,” aniya. Ang mga ARBO ay mula sa mga bayan ng Palimbang, Columbio, President Quirino, Lambayong, Lutayan, Kalamansig, Lebak, and Senator Ninoy Aquino, at Tacurong City.