image

Pinangunahan ng mga opisyal mula sa Meralco, BFP at lungsod ng Pasig ang inauguration at blessing ng bagong Meralco Fire Sub-Station. Nasa larawan (mula sa kaliwa) sina Meralco Vice President and Head of Facilities, Safety, and Security Management Engr. Antonio M. Abuel Jr.; Pasig City Fire Marshall Supt. Elaine Evangelista; Bureau of Fire Protection Chief FDir. Louie S. Puracan, CEO VI; Pasig City Mayor Hon. Vico N. Sotto; Meralco President and CEO Atty. Ray C. Espinosa; Meralco Chairman Manuel V. Pangilinan; Pasig City District Representative Hon. Roman T. Romulo; Pasig City Administrator Atty. Jeronimo U. Manzanero; at Department of Interior and Local Government City Director Visitacion C. Martinez, CESO.

Pinasinayaan ng Manila Electric Company (Meralco) at Bureau of Fire Protection (BFP) ang bagong fire substation sa Pasig City na makakatulong sa pagpapaigting ng emergency response at pagsulong ng kaligtasan ng publiko.

Ang Meralco Rescue Fire Sub-station ay matatagpuan sa loob ng Meralco Compound, ito ay magsisilbing fire emergency response center, training facility para sa mga bumbero at rescue teams, at direct line ng BFP sa System Control ng Meralco.

Ito rin ang magiging himpilan ng Meralco Fire Brigade, pati na ng mga pasilidad sa pag-apula ng mga sunog katulad ng mga fire truck, water tanker, rescue tender, at rescue boats. Ang proyektong ito ay makatutulong sa operasyon ng BFP-Pasig at magsisilbi hindi lamang sa Pasig, kundi pati ng siyudad ng Mandaluyong.

Binigyang diin ni Pasig City District Representative Hon. Roman T. Romulo ang kahalagahan at pagtutulungan ng pribadong sektor at gobyerno sa paghahatid ng serbisyo sa publiko. “Mahalaga itong fire station at itong mga fire trucks na ipapahiram at tutulong sa ating distrito kaya sa Meralco, maraming maraming salamat at sana hindi kayo magsawa sa tulong at suporta na binibigay po ninyo sa lokal at sa nasyonal na pamahalaan,” aniya.

Ayon naman kay Pasig City Mayor Vico Sotto: “Magiging malaking tulong ito sa lungsod ng Pasig at sa Bureau of Fire Protection. Alam ko po yung ibang mga truck [ng Meralco] sumasama na rin po sa pag-responde.

” Ang pagtayo ng nasabing fire sub-station ay bahagi ng Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdahan ng Meralco at BFP noong nakalipas na taon. Layunin ng MOA na magtulungan upang makapagtatag at magsanay ng fire brigade team na nakabase sa loob ng Meralco Operating Center na reresponde sa mga insidente ng sunog sa mga komunidad at iba pang mga emergency sa loob ng Meralco franchise area.

Makakatulong din ito upang makamit ng BFP ang layunin nitong makarating sa lugar ng sakuna sa loob ng lima hanggang pitong minuto.

Ani BFP Chief Fire Director Louie S. Puracan: “Malaki ang pasasalamat namin dito sa collaboration ng public at private sa proyektong ito. Fire prevention is everybody’s business.” Dagdag pa niya, makakatulong ang fire station sa mandato ng BFP na magligtas ng buhay at pag-aari.

“This represents the commitment of Meralco — an enduring commitment to service our community and our own people and this fire station as well as the Meralco Fire and Rescue Brigade is dedicated to the people of Pasig and the Meralco family,” ayon naman kay Meralco President and CEO Atty. Ray C. Espinosa.

Bukod sa pagsigurong ligtas ang operasyon at ang mga empleyado, naniniwala rin ang Meralco na mahalaga ang pagsuporta sa gobyerno na maisulong ang pampublikong seguridad.

“We’re privileged and honored to build this facility not only to service the requirements of Meralco here in Ortigas but also to serve the people and citizens of the City of Pasig and indeed its surrounding communities,” ani Meralco Chairman Manuel V. Pangilinan.

Noon pa man, suportado na ng Meralco ang BFP sa pagsusulong sa fire prevention at safety awareness. Kamakailan lamang ay nagsagawa ang Meralco at BFP-Pasig ng joint drill sa loob ng Meralco compound bilang bahagi ng first quarter Nationwide Nationwide Simultaneous Earthquake Drill para sa taong 2023. Regular din silang nagsasagawa ng mga fire safety and prevention trainings pati na rin mga seminar tungkol sa electrical safety para sa publiko.

image

Ang bagong Meralco Fire Sub-Station na matatagpuan sa loob ng Meralco Operating Center ay magiging base ng Meralco Rescue Fire Brigade, at ang mga kagamitan nila ay kinabibilangan ng fire trucks, water tankers, rescue tenders, at rescue boats.