Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang kahilingan ng Department of Agrarian Reform (DAR) para sa pagbabago ng mga tauhan upang suportahan ang mga legal at development intervention ng ahensya upang mas mapagsilbihan ang mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) at magbigay ng inspirasyon sa sektor ng pagsasaka na pasiglahin ang pag-unlad sa kanayunan.
Inaprubahan ng DBM ang paglikha ng karagdagang 63 posisyon para sa Attorneys IV sa 63 DAR provincial offices (DARPOs), na may salary grade 23, upang madagdagan ang legal na manggagawa ng DAR.
Pumayag din ang DBM sa paglikha ng 96 na posisyon para sa Agrarian Reform Program Officers I (ARPOs I) sa ilalim ng 8 DARPO at ang pag-reclassify ng 325 posisyon ng salary-graded 10 Agrarian Reform Program Technologists tungo sa salary-graded 11 ARPOs I.
Pinuri ni DAR Secretary Conrado Estrella III ang hakbang ng DBM, at sinabing Malaki ang maitutulong nito sa hangarin ng DAR na matugunan ang programa ng ahensya sa agrarian justice delivery at program beneficiaries’ development.
Sinabi ni Estrella na ang pagresolba sa lahat ng mga nakabinbing kaso na may kinalaman sa agraryo at pagbibigay ng legal na tulong sa mga ARB at hindi ARB ay isa sa kanilang mga pangunahing alalahanin.
“Ang maagang paglutas ng mga kasong agraryo ang patuloy na pangunahing prayoridad namin dahil ito ay hindi lamang maglalaan sa amin ng oras, pagsisikap at resources kundi makatutulong din ito upang maibsan ang mga hidwaang nagaganap sa kanayunan,” diin ni Estrella.
Nitong mga nakalipas na taon, nagsimula nang dumami ang mga nakabinbing kaso na siyang nag-udyok kay Estrella upang humingi ng tulong sa DBM para sa karagdagang mga abogado na inaasahang magpapabilis sa paglutas ng mga kaso.
Ayon kay Estrella, ang karagdagang ARPOs I at ang pag-upgrade ng mga ARPTs tungo sa ARPOs I ay magpapalakas sa hanay ng mga development facilitators at magsisilbi ring motibasyon ito na ibigay ang lahat ng nalalaman nila sa pagtulong sa mga ARBs na palaguin ang kanilang mga ani, isa sa mga prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ni Estrella na unti-unti pumipihit ang DAR tungo sa pamamahagi ng kinakailangang suportang serbisyo sa lahat ng mga magsasakang-benepisyaryo upang palaguin ang kanilang mga ani, maragdagan ang kanilang kita at maisulong ang kaunlaran sa kanayunan.