Bago pa man sumapit ang ika – limangpung (50) anibersaryo ng Philippine Coconut Authority (PCA) sa darating na June 30, 2023 nauna nang pinag-usapan noong nakaraang June 9, 2023 ang tungkol sa pagpapalakas ng industrya ng niyog sa kanayunan.
Ang Department of Science and Technology – Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ay nagsagawa kamakailan ng Technology to People (T2P) Media Conference na ang tema ay “Coco-usapan: ‘Hybrids’ Tungo sa Masaganang Niyugan.” Layunin nito na makapaghatid ng mga makabago at mahalagang impormasyon tungkol sa ‘coconut hybridization.’
Naging tampok sa talakayan ang experto mula sa Philippine Coconut Authority (PCA) na si Deputy Administrator ng PCA-Research and Development Branch G. Ramon L. Rivera. Tinalakay ni Deputy Administrator Rivera ang kapakinabangan ng mga hybrid na niyog na de kalidad ang bunga at mas mataas ang ani. Maigsi rin ang paggulang ng mga puno, mas madaling pag-aani dahil sa mas mabababa ang hybrids kaysa sa tradisyunal na klase ng niyog, at mababa rin ang magiging gastos sa produksyon.
Dagdag pa ni Rivera, na bagamat malaki ang pakinabang ng mga magsasaka sa hybrid na niyog at kumukunsumo nito, ang layunin ng Coconut Hybridization Program (CHP) ay hindi para mawala na o palitan ang ibang uri ng niyog, kundi para magkaroon ng karagdagan at alternatibo ang mga magsasaka.
Ayon kay Director Leilani D. Pelegrina ng Crops Research Division ng DOST-PCAARRD, sinabi nito, na patuloy ang inisyatibo sa ilalim ng ‘research and development’ (R&D), at paigtingin pa ang mga teknolohiya para sa mga hybrid na niyog. Sinabi pa nito, na kasama sa mga sinusuri ngayon ng mga siyentista ang pagpapaigting ng ‘fertilization’ ng mga ito, at ang pagtukoy at pagsugpo sa mga sakit at pesteng insekto.
Kasama sa mga dumalo, ay ang mga piling benepisyaryo ng CHP upang ibahagi ang kanilang kaalaman at testimonya ng tagumpay. Kinilala ang mga ito na sina Bb. Jhoana Anareta ng D’Farm; G. Oliver Sicam ng Sycamore Farm; Engr. Gabriel Nuez ng GBN Healthy Secrets Coconut Products Manufacturing; at Bb. Sylvia Ordoñez ng Kapampangan Development Foundation, Inc. (KDF) Farm.
Ayon sa mga piling benepisyaryo, malaki ang naitutulong ng suporta sa kanila ni PCA Deputy Administrator Rivera at ng DOST-PCAARRD. Ang programa umano na gaya ng CHP ang naging daan upang mabigyan ng trabaho ang komunidad at maibahagi ang kanilang kaalaman sa industriya.
Pinondohan ng DOST-PCAARRD ang CHP, na naglalayong suportahan ang mga pananaliksik sa coconut hybridization. Ito ay upang mapaunlad ang mga hybrid coconut seed farms at nurseries at palakasin ang produksyon ng niyog sa bansa.