Lumagda kamakailan ng memorandum of understanding (MOU) ang Department of Agrarian Reform (DAR) at ang National Nutrition Council (NNC) Bicol, para sa feeding program ng mga buntis sa tatlong munisipalidad sa lalawigan ng Sorsogon.
Sinabi ni DAR-Sorsogon Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) II Nida A. Santiago, na ang Tutok Kainan: O Dietary Supplementation Program ng NNC ay ipinatutupad sa ilalim ng programang Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP).
“Para sa taong ito, nakatuon ang programa sa pagpapakain sa 300 buntis na kababaihan mula sa munisipalidad ng Prieto Diaz, Barcelona, at Sta. Magdalena sa nabanggit na lalawigan” ayon pa kay Santiago.
Dagdag pa ni Santiago, layunin ng Tutok Kainan na mag-ambag sa pag-iwas sa pagkabansot ng mga sanggol mula zero hanggang 23 buwang gulang sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kalidad at dami ng masustansyang pagkain ng mga buntis at sanggol.
Sinabi naman ni Officer-in-Charge at PARPO I Liza B. Repotente, na gagamitin sa feeding program ang mga produkto ng agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa Salvacion Farmers’ Development Cooperative (SAFADECO).
“Ang programang ito ay may dalawang layunin. Una, ang mga buntis ay papakainin ng masustansyang pagkain gaya ng bigas, prutas, at gulay. Pangalawa, ginagarantiya nito ang kita ng mga ARB mula sa isang handang mamimili para sa kanilang mga produktong pang-agrikultura,” ani Repotente.
Sa ilalim ng kasunduan, bibilhin ng NNC-Bicol ang bigas, gulay, at poultry products mula sa SAFADECO, isang DAR-assisted cooperative, na ilalaan para sa mga buntis sa mga munisipalidad ng Prieto Diaz, Barcelona, at Sta. Magdalena.