PANAWAGAN ng mga ina na may mga anak na may malalang sakit sa mga kongresista, “Isabatas na ang medical cannabis sa bansa!” Ito ang kanilang panawagan sa BAUERTEK Media Health Forum noong nakaraang Lunes, ika-18 ng Setyembre, 2023, sa isang restaurant sa ETON Centris, Quezon Ave., Quezon City.
Ayon sa isang ina, halos isang dekada na silang naghihintay na maisabatas ang medical cannabis sa bansa, dahil dalawang buwan pa lamang ang kanyang anak nang magkaroon ito ng sakit, at ngayon ay sasampung taon na ang bata. Sa bawat araw na nagdaan, nagkakaroon ang kanyang anak ng 20 seizure , at halos walang makatulong na anti-seizure na gamot. Kahit ang doktor ng kanyang anak ay wala nang maipapayo na bagong gamot para mapabuti ang kanyang kalagayan. Kaya’t nananawagan sila na sana’y pakinggan sila at mapabilis ang pagpasa ng batas para magkaroon sila ng legal na access sa medical cannabis sa lalong madaling panahon.
Sinabi naman ng isa pang ina na patuloy silang nakikiusap sa mga mambabatas na legal na isabatas ang medical cannabis sa Pilipinas. Marami na umanong nawawala sa kanilang hanay na nangangailangan ng medical cannabis, at sana raw ay hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga pasyenteng namamatay dahil sa kawalan ng gamot na medical cannabis. Nais din nilang maiwasan na dumating ang punto na ang isa sa mga kamag-anak ng mga mambabatas ang magkaroon ng ganitong sakit para maintindihan nila ang kanilang pinagdadaanan.
Nanawagan din si Dr. Donnabelle Cunanan, isang Dentist at Presidente ng Cannahopefuls Inc., na may anak din na may malalang karamdaman na nangangailangan ng medical cannabis. Sa mga nanonood at nakikinig sa ginaganap na live coverage ng Media forum, inimbitahan niya ang mga may anak na may karamdaman katulad ng kanilang mga anak na sumali sa Cannahopefuls Inc. Facebook Page at mag-iwan ng mensahe sa kanilang private message, o sumali sa kanilang adbokasiya, upang mapalakas ang boses at tinig nila at makapag-apply ng pressure sa gobyerno hinggil sa mga pangyayari.
Sa huling mensahe ni Dr. Gem Marq Mutia, ang Founder ng Philippine Society of Cannabinoid Medicine, nanawagan siya sa lahat ng liderato ng mga organisasyon at mga ahensiya ng gobyerno na kung ayaw nilang mawalan ng kredibilidad, kailangan nilang mag-isip kung sino ang kanilang susuportahan. Ang mga pasyenteng mayroong malinaw na ebidensiyang epektibo ang cannabis bilang gamot ay dapat daw pakinggan, at kung patuloy nilang ide-deny ito, baka sila pa ang magdulot ng masamang epekto sa kanilang sariling reputasyon at tiwala ng publiko. Binigyan pa ng diin ni Dr. Mutia na ang mga medical organization na tumututol sa cannabis bilang gamot ay maaaring mawalan ng mga pasyente, at ang mga politiko na hindi sumusuporta sa cannabis ay maaaring mawalan ng mga botante. Kaya’t kinakailangan daw nilang mag-isip nang mabuti kung sino ang kanilang susuportahan.
Nagbigay din ng kanyang huling mensahe si Dr. Peter Quilala, Board Member ng Philippine Society of Cannabinoid Medicine, na hinikayat ang mga doktor na gustong sumali sa kanilang organisasyon na gumamit ng medical cannabis sa kanilang panggagamot. Sinabi niya na ang kanilang samahan ay lehitimo at rehistrado sa SEC, kaya hindi dapat matakot ang mga doktor na sumali. Marami raw pasyenteng nangangailangan ng tulong ngayon dahil sa mataas na presyo ng gamot, lalo na para sa mga chronic disease tulad ng seizure, Parkinson’s, at mga pasyenteng nasa bingit na ng kamatayan. Kailangang bigyan sila ng dignidad sa kanilang kalagayan at pagkakataon na subukan ang alternatibong gamot na napatunayang epektibo. Saad ni Dr. Quilala.
Naging mga panauhin sa ginanap na Media Health Forum ang mga sumusunod: Dr. Gem Marq Mutia, Founder ng Philippine Society of Cannabinoid Medicine; Dr. Peter Quilala, Board Member ng Philippine Society of Cannabinoid Medicine; at Dr. Donnabelle Cunanan, Dentist at Presidente ng Cannahopefuls Inc. Sina Broadcaster Edwin Eusebio at Rolando “Lakay” Gonzalo naman ang nagsilbing moderator sa naganap na forum.