image

Sa layuning bigyan ng libre at abot-kayang dialysis treatment ang mga residente ng lungsod, inilunsad ng Marikina City noong Martes, ika-16 ng Abril, ang kanilang dialysis center sa ika-394 na anibersaryo ng lungsod sa ikaapat na palapag ng Marikina Sports Complex.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na ang Marikina Dialysis Center ay isang pag-asa para sa mga laban sa chronic kidney disease (CKD) sa kanilang komunidad. Tinukoy din niya na ang CKD ay pang-apat sa listahan ng mga top diseases sa Pilipinas, at pang pito sa mga pinakapangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino.

“Sa ating pagtitipon ngayon, magmuni-muni tayo sa kahindik-hindik na estatistika sa paligid ng CKD sa Pilipinas, isang paalala para sa ating lahat ng agarang pangangailangan para sa mga solusyong pangkalusugan na abot-kamay,” aniya sa seremonyal na pagbubukas at pagpapala sa Marikina Dialysis Center.

Ayon kay Mayor Teodoro, ang Marikina Dialysis Center ay may mga pasilidad na may state-of-the-art, kasama na ang 22 na de-kalidad na mga dialysis machine mula sa Japan. Ito ay pinangangasiwaan ng isang dedikadong koponan ng mga nurse, admin staff, technicians, at mga propesyonal sa medisina, na lahat ay nakatuon sa paghahatid ng mahusay na pangangalaga.

“Kaya naman, ang Marikina Dialysis Center ay isang mahalagang mapagkukunan sa ating pakikibaka laban sa pandaigdigang epidemya sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga pagsisikap sa Tresmedica Trading, Inc. Layunin nating palakasin ang ating mga residente sa kaalaman sa pamamagitan ng mga edukasyonal na programa at forum,” aniya.

Para naman kay Marikina First District Representative Maan Teodoro, marami sa mga residente na humihingi ng tulong sa kanyang opisina ay mga pasyenteng nangangailangan ng dialysis.

“Sa dami ng mga humaharap sa aming tanggapan, ang karamihan ay mga pasyenteng nangangailangan ng hemodialysis. Batid ko kung gaano kalaki ang gastusin para sa mga test, gamot, at iba pang mga procedure na kailangan nila,” aniya.

Sa tulong ng LGU ng Marikina sa pakikipagtulungan sa PhilHealth ngayon ay mayroon nang dialysis center ang Marikina City na kumpleto sa mga makabagong kagamitan at mga propesyonal sa medisina para sa kanilang mga pasyente.

“Ngayon, mayroon na tayong health center para sa ating mga pasyenteng dialysis. Ito ay mas malapit na pasilidad para sa ating mga pasyente, hindi na sila aasa pa sa mga pampublikong ospital tulad ng NKTI o mga pribadong dialysis center,” dagdag pa niya.

Sa kanyang mensahe, binati ni Senador Koko Pimentel, kasama ang kanyang asawa na si Kat, ang LGU ng Marikina para sa pagbubukas ng kanilang sariling dialysis center. Pinuri rin niya ang mga pagsisikap nina Mayor Teodoro at Cong. Teodoro upang magtayo ng libre at abot-kayang dialysis center.