451810984_3550999278455792_7455263237086835703_n

Sa pagbabalik-eskwela ngayong school year 2024-2025, namahagi ng school supplies sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan ang pamahalaang lungsod ng Mandaluyong .

Pinangunahan ni Vice Mayor Menchie Abalos at ng Sangguniang Panlungsod ang simbolikong pamamahagi ng mga school supplies at uniporme noong Lunes, sa flag raising ceremony sa city hall. Ang aktibidad na ito ay bahagi ng Balik Eskwela 2024-2025 ng pamahalaang lungsod, na ginanap sa City Hall Executive Building Atrium, Mandaluyong noong Hulyo 22, 2024.

Inanunsyo ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong na sinimulan na nila ang pamamahagi ng libreng rubber shoes, mga kagamitan sa eskwela, at uniporme para sa mga mag-aaral sa lahat ng pampublikong eskwelahan sa lungsod.

Ang mga bagong rubber shoes ay dagdag sa mga leather shoes na naibigay na ng pamahalaang lungsod. Kasama rin sa mga ipinamigay ang bag, diary, notebook, uniporme, at medyas.

“Lahat ng kailangan ng mga batang Mandaleño para sa kanilang pag-aaral ay kumpleto na. Wala na silang ibang gagawin kundi pumasok at mag-aral,” sabi ni Abalos.

Ayon pa kay Vice Mayor Abalos, bawat estudyante ay makakatanggap din ng reflectorized Go Bag mula sa pamahalaang lungsod. “Lagi itong dadalhin ng mga estudyante para sa oras ng sakuna o ang tinatawag na ‘The Big One’ ay handa sila.”

Ang Go Bag ay naglalaman ng mga pang-emergency na kagamitan tulad ng gamot, flashlight, alcohol, cookies, tubig, at iba pang bagay na papalitan sakaling mag-expire na ang mga laman nito, ayon pa kay Abalos.

Ang Schools Division Office-Mandaluyong ang naatasan sa pamamahagi ng mga rubber shoes, uniporme, at school supplies sa mga estudyante. Kasama sa mga tumanggap ang ilang estudyante ng lungsod.

Sa pamumuno nina Mayor Ben Abalos at Vice Mayor Menchie Abalos, naglalaan ng pondo kada taon ang pamahalaang lungsod para sa libreng school supplies, uniporme, at sapatos upang mabawasan ang gastusin ng mga magulang. Layunin din nito na masigurong walang dahilan ang isang estudyanteng Mandaleño na hindi makapasok sa eskwelahan.

Namahagi rin ang pamahalaang lungsod ng mga tablets, printers, at iba pang kagamitan sa Schools Division Office upang magamit ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral.

image

image

image