image

LUNGSOD NG PASIG — Nananawagan ang isang negosyante kay Mayor Vico Sotto na bawasan ang gastusin ng planong PHP9.6 bilyong proyekto ng city hall. Ang mungkahi ay nagmula kay Curlee Discaya ng St. Gerrard Charity Foundation, na kinuwestiyon ang sobra-sobrang ganoon kamahal na proyekto.

Sa kanyang liham, hinimok ni Discaya si Mayor Sotto na muling pag-aralan ang proyekto at bawasan ang budget nito na mula sa PHP9.6 billion ay gawin na lang na ₱3.2 billion. Ayon sa kanya, sapat na ang ganitong halaga para makapagpatayo ng moderno at kahanga-hangang city hall complex, habang ang matitipid na halaga na ₱6.4 billion ay maaaring ilaan sa public services at iba pang pangangailangan ng mga residente.

“Ang matitipid na pondo ay makatutulong sa pangangailangan ng mas nakararaming Pasigueño, lalo na sa serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at iba pang social services,” paliwanag ni Discaya.

Dagdag pa ng negosyante, na sa halagang ₱3.2 billion ay posible pa rin ang magandang disenyo ng bagong city hall complex.

Hinamon din niya ang mga contractor na magbigay ng mas mababang price assessment para sa proyekto. Ayon kay Discaya, ang ₱209,197 per square meter na halaga ng proyekto ay masyadong mataas at dapat ay hindi lalagpas sa ₱70,000 per square meter, kahit pa gumagamit ng mamahaling materyales.

Nag-alok din si Discaya ng detailed and preliminary engineering design na maaaring magustuhan ni Mayor Sotto at makatulong sa pagtayo ng mas murang proyekto.

Matatandaan na noong June 2, 2023, ibinalita ni Mayor Sotto ang plano para sa new city hall complex sa pagdiriwang ng 450th founding anniversary ng Pasig. Ang proyekto ay bahagi ng 10-year comprehensive plan ng lungsod na lagpas sa kanyang nine-year term limit. Iginiit pa ni Sotto na ang proyekto ay transparent, well-planned, at “future proof,” kahit na mataas ang inilaang budget na ₱9.6 billion.

image