CAINTA, Rizal — Kinumpirma ni Municipal Administrator Atty. Kit Nieto noong Biyernes, Setyembre 20, na muli siyang tatakbo bilang Alkalde ng Cainta, Rizal sa darating na mid-term elections sa Mayo 2025. Ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ay nakatakda mula Oktubre 1 hanggang 8, 2024.
Sa ginanap na Kapihan sa Cainta na inorganisa ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps, sinabi ni Nieto, “Maghahain ako ng aking COC para sa pagka-alkalde ng Cainta sa Oktubre 3, 2024, alas-9 ng umaga.”
Bagaman natalo na siya noon sa mayoralty race, tinanggap ni Nieto ang pagkatalo at bumaba sa puwesto nang tahimik. Sinabi niyang, “Kung mabibigyan muli ng pagkakataong makapaglingkod, ipagpapatuloy ko ang mga programa ko para sa Cainta, tulad ng libreng cremation para sa mga indigent na residente.”
Ipinahayag din ni Nieto ang mga plano niyang proyekto para sa Cainta, kabilang ang pagtatayo ng unang National High School at isang museo. Dahil isa ang Cainta sa pinakamatandang bayan sa Pilipinas, nararapat lamang na magkaroon ito ng mga ganitong imprastruktura.
Aminado si Nieto na may mga posibleng makakalaban siya sa darating na eleksyon. “Kung ayaw niyo na sa akin, magpapahinga ako. Pero kung gusto niyo pa, handa akong maglingkod,” dagdag pa niya.
Si Nieto ay nagsilbi bilang Alkalde ng Cainta mula 2019 hanggang 2022, at sinundan siya ng kanyang maybahay na si Ellen Nieto, na nanalo sa sumunod na eleksyon. Sa pagkapanalo ni Mrs. Nieto, naipagpatuloy ang mga proyekto ng kanyang asawa.