image

LUNGSOD NG SAN JUAN — Dating konsehal ng pasig na si Atty. Christian “Ian” De Guzman Sia, inihayag ang kanyang pagtakbo bilang Independent candidate para sa pagka-Kongresista ng Pasig City sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025.

Noong Martes, Oktubre 8, huling araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC), nag-file si Atty. Sia sa tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa National Capital Region sa San Juan City. Kasama niya ang kanyang mga tagasuporta, asawa, mga kaibigan, at kamag-anak.

Sa isang panayam, ipinahayag ni Atty. Sia ang kanyang plano na magpanukala ng paglikha ng ikalawang Congressional District para sa Pasig. Binanggit niya na ang Quezon City at Maynila ay may tig-anim na Congressional District, kaya’t nararapat din ang Pasig na magkaroon ng karagdagang distrito. Ayon kay Sia, mas maraming distrito ay magdadala ng mas malaking pondo mula sa pambansang pamahalaan.

At bilang dating Konsehal ng Pasig noong 2010, sinabi ni Sia na ang kanyang karanasan sa paggawa ng batas sa Sangguniang Panlungsod ay nais niyang dalhin sa Kongreso.

Si Atty. Sia ay may-ari rin ng isang franchise ng Mang Inasal sa Pasig City, kung saan may patakaran silang itapon na lamang ang mga pagkaing hindi naubos sa araw kung may natitira sa mga paninda. Ipinanukala ni Sia na ang mga pagkaing ito ay dapat ipamahagi sa mga kapus-palad na Pasigueño kaysa itapon lamang.

Ipinagmamalaki rin ni Sia na siya ay tubong Pasig. Ang kanyang negosyo, mga kaklase, kaibigan, at kamag-anak ay pawang nasa Pasig, at lahat sila’y susuporta sa kanyang pagtakbo bilang Kongresista.

Pinaliwanag din niya na ang paghahati ng Pasig City sa dalawang Congressional District ay hindi maituturing na “gerrymandering,” dahil ito ay naaangkop lamang sa mga lugar na hindi magkadikit.

Bilang abogado, naniniwala si Atty. Sia na magiging mas mapalad ang Pasig City kung siya ay mahalal bilang Kongresista. Kasama na rito ang kanyang adbokasiya ng pagbibigay ng libreng legal na tulong sa mga kapus-palad na Pasigueño mula pa noong 2005.

Sa kanyang pag-file ng COC, pumirma rin siya sa “Wall of Commitment” na naglalayong tiyakin ang mapayapa at maayos na halalan.

image

image