image

Pinaiigting ng Eastern Police District (EPD), sa pamumuno ni PCOL Villamor Q. Tuliao, Acting District Director, ang seguridad para sa darating na National and Local Elections sa Mayo 2025.

Bilang bahagi ng paghahanda, opisyal nang binuksan ang District Election Monitoring and Action Center (DEMAC) sa District Tactical Operation Center (DTOC) ng EPD upang matiyak ang ligtas at maayos na halalan sa Metro East.

Ang DEMAC ang magsisilbing sentro ng pagmamanman at pagtugon sa mga insidente kaugnay ng eleksyon. Dito rin iko-konsolida ang mga ulat at magbibigay ng agarang suporta sa mga pulis na naka-deploy sa iba’t ibang lugar.

Pinangunahan ng Acting District Director (ADD) ng EPD, kasama ang Command Group at District Staff, ang inspeksyon sa mga pasilidad at kagamitan ng monitoring center. Dumalo rin sina Mr. Kurt Cruz mula sa PPCRV at si Mr. Edgar L. San Buenaventura, Election Assistant.

Bukod dito, binuksan din ang Station Election Monitoring and Action Center (SEMAC) sa apat na City Police Stations ng EPD.

Ang lahat ng Election Monitoring and Action Centers sa EPD Units at Stations ang magsisilbing “mata at tainga” ng PNP National Task Force para sa Safe and Fair Elections (SAFE) 2025. Magbibigay ito ng mga ulat tungkol sa mga insidente at aktibidad kaugnay ng seguridad bago at sa mismong araw ng halalan.

Dagdag pa rito, magdedestino ang EPD ng mga pulis, standby forces, at quick reaction teams na nakaantabay 24 oras sa mga command post ng kanilang himpilan.

“Tungkulin ng EPD na pangalagaan ang integridad at kredibilidad ng halalan. Ang pagbubukas ng election monitoring and action center ay bahagi ng aming dedikasyon para sa isang ligtas, maayos, at tahimik na halalan,” pahayag ni PCOL Tuliao.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang EPD sa COMELEC at iba pang ahensya para sa tamang pagpapatupad ng mga alituntunin ng COMELEC at ng Omnibus Election Code.

“Magpapatuloy ang mahigpit na operasyon ng EPD, kabilang na ang 24/7 checkpoints para sa gun ban at iba pang hakbang laban sa kriminalidad upang masugpo ang masasamang gawain bago at sa panahon ng halalan,” dagdag pa ng ADD, EPD.