QUEZON CITY — Tinawag ng mga health advocates at medical community noong Biyernes (Enero 10) ang P6.326 trilyon na General Appropriations Act (GAA) ng 2025 bilang “pinakamakorap” matapos itong pirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Disyembre 30, 2024.
Nanawagan din sila na ibalik ang mahigit 25 milyong indirect contributors ng PhilHealth na nawala sa budget ng ahensya.
Ayon kay Kenneth Abante, coordinator ng Citizens Budget Tracker, ang 2025 budget ang pinakamalaki sa kasaysayan ng Pilipinas. Ngunit sinabi rin niya na may mga lihim na “pork barrel” na isinama sa budget, habang tinapyasan ng P12 bilyon ang budget ng Department of Education (DepEd) at inalis ang P74 bilyong subsidy para sa PhilHealth.
Napansin din ang pagtaas ng P289 bilyon sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), habang P50 bilyon naman ang binawas mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at AKAP programs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa mga kritiko, labag sa Konstitusyon ang 2025 budget dahil mas malaki ang alokasyon ng DPWH kumpara sa DepEd, walang konsultasyon mula sa publiko para sa P10 bilyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), at hindi bukas ang mga listahan ng benepisyaryo ng AKAP ng DSWD.
Idinagdag ni Abante na hindi maaaring baguhin ng GAA ang mga umiiral na batas tulad ng Sin Tax Law at Universal Healthcare Law.
Pahayag ni Dr. Juan Antonio Perez III, dating PopCom Executive Director, mayroon nang umiiral na health crisis sa bansa bago pa man ang 2025. Sa 1.4 milyong pagbubuntis noong 2023, 768,384 lamang ang sakop ng PhilHealth, habang 590,588 na sanggol lang ang covered.
Noong 2023, umabot sa P122.38 bilyon ang claims payment ng PhilHealth, ngunit malayo ito sa P348 bilyong dapat gastusin. Noong 2024, P40 bilyon ang hindi nagamit at P69 bilyon pa ang inilaan sa ibang programa tulad ng MAIFIP.
Dahil sa kawalan ng P74 bilyong subsidy para sa PhilHealth sa 2025, bababa ang benepisyong matatanggap ng mga Pilipino sa ilalim ng Universal Healthcare Act of 2019.
Ayon sa Sin Tax Coalition, dapat ibalik ang P74 bilyong subsidy at tiyakin ang taunang pondo para sa 25.3 milyong indirect contributors. Binanggit din nila na ang PhilHealth ay gumagastos lamang ng P40 para sa bawat P100 ng kinakailangang gastusin.
Sa ilalim ng Sin Tax Law, 50% ng buwis mula sa sigarilyo at matatamis na produkto ay napupunta sa Universal Healthcare Law, kung saan 40% ay diretso sa PhilHealth. Hindi maaaring tanggalin ang pondong ito dahil malinaw itong nakasaad sa batas.
Idinagdag ni Dr. Antonio Dans na maraming pamilya ang naghihirap dahil sa kakulangan ng abot-kayang health packages. Umaabot sa 70% ang out-of-pocket na gastusin para sa kalusugan, na karamihan ay mula sa mahihirap na pasyente.
Ang Sin Tax Coalition at mga health advocates ay patuloy na nananawagan ng transparency at tamang alokasyon ng budget upang matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino sa kalusugan.