476480752_461218590260011_6135586116652210407_n

Makati City – Inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) noong Miyerkules (Pebrero 5) ang walong pangunahing programa sa pananaliksik at pagpapaunlad upang palakasin ang agham, teknolohiya, at inobasyon sa Pilipinas.

Sa event na “ELEV8PH: Pushing S&T Frontiers for National Development” na ginanap sa Dusit Thani Manila, nagtipon ang mga eksperto mula sa industriya, akademya, diplomatiko, at pananaliksik upang talakayin ang mga makabagong teknolohiya na magpapasulong sa bansa.

Ayon kay DOST Undersecretary Lea J. Buendia, “Inspirasyon ang pagtutulungan ng mga eksperto para sa pagbabago at inobasyon. Sama-sama nating paunlarin ang agham at teknolohiya para sa ikauunlad ng bansa.”

Sinabi naman ni DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr. na ang walong programang ito ay susi sa mas progresibong kinabukasan. “Sa pamamagitan ng mga programang ito, natutugunan natin ang mahahalagang pangangailangan ng bansa at napapalakas ang inobasyon at pag-unlad,” aniya.

Narito ang walong pangunahing programa:

  • AI Virtual Hubs
  • Quantum Computing Technologies
  • Smart Technologies
  • Smart Agriculture
  • Geospatial Analysis Research Hub
  • Industry 4.0
  • Biologics sa Parmasya
  • Circular Economy

Sa larangan ng Artificial Intelligence (AI), sinabi ni Dr. Franz A. De Leon, direktor ng DOST-ASTI, na umangat ang Pilipinas mula ika-65 puwesto noong 2023 patungo sa ika-56 puwesto sa Government AI Readiness Index 2024.

Patuloy ding sinusuportahan ng DOST ang pagsulong ng Quantum Computing sa bansa sa pamamagitan ng Quantum Innovation Laboratory, na nagbibigay ng pagsasanay at simulation para sa mga Pilipinong eksperto.

Sa Smart Agriculture, ayon kay Dr. Reynaldo V. Ebora, Executive Director ng DOST-PCAARRD, nakapaglaan na ang DOST-PCAARRD ng P1.78 bilyon para sa 210 proyekto upang mapabuti ang agrikultura gamit ang makabagong teknolohiya. Ang kampanya ng programa ay may tagline na “Sa Smart Agrisenso, Buhay ng Pilipino ay Aasenso.”

Ayon naman kay Dr. Jaime C. Montoya, Executive Director ng DOST-PCHRD, patuloy nilang pinapaunlad ang biologics at pharma research upang mapahusay ang sektor ng kalusugan sa bansa.

Bilang suporta, Dumalo rin sa pagtitipon ang mga direktor mula sa iba’t ibang ahensya ng DOST, tulad ng DOST-PNRI, DOST-PNTRI, DOST-ITDI, DOST-PCIEERD, DOST-PCAARRD, DOST-STII, DOST-PCHRD, DOST-ASTI, DOST-FNRI, at DOST-FPNRI.

Ayon kay Dr. Carlo Arcilla ng DOST-PNRI, nasa 60 taon na ang industriya ng nuclear power sa Pilipinas. Samantala, sinabi naman ni Dr. Julius Leano, Jr. ng DOST-PNTRI na ginagawa nilang mas sustainable, competitive, at matibay ang industriya ng tela sa bansa.

Iniulat din ng DOST-FNRI na gumagamit na sila ng AI upang mapabuti ang data sa pagkain at nutrisyon at kasalukuyang gumagawa ng isang app para dito.

Sa pagtatapos ng programa, nagkaisa ang mga kalahok na ipagpatuloy ang pagsulong ng agham at teknolohiya para sa kaunlaran ng bansa. Hinikayat ni Secretary Solidum ang patuloy na suporta sa R&D at inobasyon upang makamit ang isang mas maunlad na Pilipinas. (PHOTO BY: BEN BRIONES at JIMMY CAMBA)

image

image

image

image