Umatras si AGRI Party-list Representative Manoy Wilbert Lee sa kanyang kandidatura sa Senado para sa 2025 National and Local Elections. Sa isang press conference sa Maynila, sinabi ni Lee na kulang ang kanyang kampanya sa makinarya upang epektibong maabot ang lahat ng Pilipino. Dahil dito, mas tututukan na lang niya ang muling pagtakbo ng AGRI Party-list upang maipagpatuloy ang kanilang mga adbokasiya.
Ayon kay Lee, napagtanto niya habang umiikot sa bansa na hindi pa sapat ang kanyang makinarya upang maisakatuparan ang isang matagumpay na kampanya.
“Napagtanto ko na kailangan pa ng mas mahabang panahon upang mapalakas ang ating ugnayan sa kapwa Pilipino at mapatatag ang ating kampanya,” ani Lee.
Dagdag pa niya, patuloy na isusulong ng AGRI Party-list ang mga programang makakatulong sa agrikultura, proteksyon ng mga magsasaka, mangingisda, at local food producers na tinatawag niyang “food security soldiers.”
Nagpasalamat din si Lee sa kanyang na sumuporta sa kanya sa kanyang laban.
“Taos-puso akong nagpapasalamat sa inyong tiwala at suporta. Kayo ang inspirasyon ko upang lalong pagbutihin ang paglilingkod sa bayan,” sabi niya.
Si Lee ay isang matibay na tagapagtaguyod ng libreng serbisyong pangkalusugan. Noong 2023, siya ang unang nagbunyag na may mahigit P500 bilyong pondo ang PhilHealth, bukod pa sa P100 bilyong subsidiya mula sa gobyerno taun-taon.
Dahil sa kanyang pagsisikap, nagkaroon ng 30% pagtaas sa PhilHealth benefits noong Pebrero 2024. Sinundan ito ng 50% pagtaas ng benepisyo sa 2025, kabilang ang libreng dialysis, libreng check-up sa mata at salamin para sa mga edad 0-15, libreng dental care, expanded coverage para sa breast cancer treatment, at bagong package para sa kidney transplant at sakit sa puso.
Bilang kinatawan ng AGRI Party-list, maraming batas na ang naipasa sa ilalim ng kanyang pamumuno, kabilang ang:
-
Republic Act No. 11953 o “New Agrarian Emancipation Act”
-
RA 11985 o “Philippine Salt Industry Development Act”
-
RA 12022 o “Anti-Agricultural Economic Sabotage Act”
Patuloy din niyang isinusulong ang pagpasa ng mga panukalang batas tulad ng “Cheaper Rice Act,” “Post-harvest Facilities Act,” “Kadiwa Agri-Food Terminal Act,” at “Fishing Shelters and Ports Act.”
Bagamat hindi na siya tatakbo sa Senado, nangako si Lee na ipagpapatuloy niya ang kanyang mga adbokasiya para sa mas abot-kayang gamot at mas maunlad na agrikultura.
“Hindi man ako tatakbo sa Senado, tuloy pa rin ang laban. Wala man ako sa puwesto, ipaglalaban ko pa rin ang ‘Gamot Mo, Sagot Ko!’ upang matulungan ang ating mga kababayan na nangangailangan ng gamot at serbisyong medikal,” ani Lee.
“Tuloy ang laban ng AGRI Party-list para sa murang pagkain, libreng gamot, at mas maayos na buhay para sa lahat ng Pilipino!” dagdag niya.