image

QUEZON CITY — Sinabi ni Senador Imee Marcos nitong Sabado (Marso 22) na maraming isyu ang kinakaharap ng bansa sa ngayon na kailangang matugunan.

Sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery Café, ipinaliwanag ni Sen. Marcos na isinagawa niya ang pagdinig sa Senado tungkol sa umano’y pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte upang malaman ang tunay na nangyari noong araw na iyon.

Binigyang-diin niya na ang imbestigasyon ay may layuning bumuo ng mga naaangkop at napapanahong batas, lalo na sa ilalim ng Senate Committee on Foreign Relations.

Ayon kay Marcos, nang makita niya ang nangyari kay Duterte, naalala niya ang kanyang ama. Sinabi rin ng dating Pangulo na hindi kailangang pumunta sa The Hague, Netherlands, ang mga Pilipino upang bisitahin siya.

Sinabi ni Sen. Marcos na nais niyang personal na ihatid ang ₱10,000 benepisyo mula sa Expanded Senior Citizens Act kay Duterte sa The Hague.

Bilang dating kasamahan ni Duterte sa Mababang Kapulungan, sinabi niya na may tatlo o apat nang dating Pangulo ang inilibing sa Libingan ng mga Bayani, kabilang ang kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Iginiit ni Marcos na wala siyang balak sirain ang administrasyon ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Inamin ni Marcos na hindi siya nakadalo sa ilang campaign rallies ng mga kandidatong sinusuportahan ng administrasyon. Hindi rin siya nag-aalala kung hindi binabanggit ang kanyang pangalan sa mga campaign sorties dahil mas mahalagang tugunan ang mga suliraning kinakaharap ng bansa.

Ayon sa kanya, nahihirapan siyang makahanap ng mga testigo sa isyu ng International Criminal Court (ICC) at iba pang usaping may kinalaman sa Interpol Diffusion at Red Notice.

Binigyang-diin din ni Marcos ang kahalagahan ng Earth Hour at sinabing dapat magkaroon ng iisang ahensya na mangangasiwa sa tubig, imbes na hiwalay ang DENR, MWSS, at LWUA. “Marami tayong tubig pero laging nauuhaw ang mga Pilipino,” aniya, kaugnay ng World Water Day.

Nagtanong din siya kung paano napapanatili ng mga bansa tulad ng Singapore, Thailand, at Japan ang kanilang food security.

Bilang pinuno ng Senate Committee on Agriculture, sinabi niyang kailangang tulungan ang sektor ng transportasyon at post-harvest facilities upang mapabuti ang agrikultura ng bansa.

Binigyang-linaw ni Marcos na isinagawa niya ang Senate hearing hindi para sa endorsement kundi upang ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas at alamin ang tunay na nangyari kay Duterte noong Marso 12, 2025.

Sa paggunita ng Women’s Month, sinabi niyang likas na mas masipag at mahusay sa multi-tasking ang mga kababaihang Pilipina.

Ipinahayag din niya na pinag-aaralan ng Senado ang Republic Act No. 9851, partikular ang Section 7 nito, at maaaring magkaroon ng ikalawang pagdinig upang malinawan ang ilang batas.

Aminado siyang hindi siya madalas makausap ng kanyang kapatid na si Pangulong Marcos, kaya mahirap para sa kanya ang sitwasyon.

Sinabi rin niyang hindi siya sang-ayon sa People’s Initiative at hindi siya lumagda sa ratipikasyon ng Regional Comprehensive Economic Protocol (RCEP).

Dagdag pa niya, ipinaglaban niya ang kanilang pamilya sa loob ng 36 na taon at wala siyang pinagsisisihan.

Sinabi ni Sen. Marcos na patuloy siyang naghahanap ng mga testigo at resource persons para sa posibleng ikalawang pagdinig sa Senado.

Ayon sa kanya, mas maraming kaalyado at kaibigan, mas mabuti para sa bansa, lalo na sa usapin ng Visiting Forces Agreements (VFAs) sa Japan at Australia.

Para sa kanya, ang pagiging Pangulo ay nakatadhana, at ang mahalaga ay gawin lamang ang trabaho nang hindi pinapansin ang mga intriga.

Sa huli, sinabi niyang 101% ang suporta niya sa Iglesia Ni Cristo (INC) na naglabas ng opisyal na pahayag bilang pagtatanggol sa soberanya ng bansa at Saligang Batas. (PHOTO BY: BOY CRUZ) 

image