MANILA – Mula sa pangangampanya sa Mindanao, inilahad ni dating PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Rhodel “GenROS” Sermonia, unang nominee ng United Frontliners Partylist, ang kanyang mga adhikain sa naganap na Forum “Balitaan sa Tinapayan” nitong lunes Marso 24.
Ayon kay Sermonia, isusulong niya sa Kongreso ang isang komprehensibong healthcare insurance para sa lahat ng frontliners at kanilang pamilya. Binanggit niyang higit kalahati ng 115 milyong Pilipino ay itinuturing na frontliners, kabilang ang mga pulis, mga sundalo, at health workers.
“Dapat awtomatiko ang insurance dahil inilalagay nila sa panganib ang kanilang buhay,” aniya.
Bukod dito, handa rin siyang tumulong sa kampanya kontra droga, itinataguyod ang “whole of country approach” kung saan magtutulungan ang lahat ng ahensya ng gobyerno. Ipinagmalaki niya ang naging tagumpay ng Bataan bilang unang “drug-cleared” province sa ilalim ni dating PNP Chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sa 40 taong serbisyo, naging Provincial at Regional Director si Sermonia bago maging Deputy Chief for Operations ng PNP. Bago magretiro, inilunsad niya ang Transparency, Accountability, and Responsibility Program para sa mas maayos na pagpapatupad ng Command Responsibility at Internal Cleansing.
Ipinunto rin niya ang tatlong hakbang sa pagpapabuti ng disiplina sa pulisya: Preventive (paalala sa tamang asal), Disciplinary (mahigpit na pagpapatupad ng batas), at Restorative (pagpapatuloy ng mabuting gawain).
Sa larangan ng labor welfare, nakipagtulungan siya sa Department of Migrant Workers (DMW) upang matulungan ang mga OFW sa Middle East at Southeast Asia.
Hinikayat ni Sermonia ang publiko na unawain ang tunay na layunin ng partylist system at tiniyak na ang United Frontliners ay hindi negosyo kundi tunay na serbisyo.
Sa isyu ng extrajudicial killings (EJKs), binigyang-diin niya ang due process at social justice. Sinabi niyang dapat managot ang pulis na lumalabag sa batas, ngunit dapat ding ipagtanggol ang inosente.
Binigyang-diin din niya ang bisa ng “Oplan Tokhang,” kung saan 1.5 milyong drug users ang sumuko at higit 100,000 ang naaresto. Aniya, dapat kasama ang buong gobyerno sa pagsugpo ng ilegal na droga.
“Sipag, tiyaga, at malasakit sa tao ang susi sa tunay na paglilingkod,” pagtatapos niya. (PHOTO BY: BOY CRUZ)