Mariing itinanggi ni Marikina Mayor “Marcy” Teodoro, ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanya kasunod ng anim na buwang preventive suspension mula sa Office of the Ombudsman.
Kasama sa suspensyon si Vice Mayor Marion Andres at iba pang opisyal ng lungsod dahil sa kasong isinampa ng isang Sofronio Dulay.
Noong Agosto 2023, sinampahan si Teodoro ng kasong technical malversation kaugnay umano sa maling paggamit ng pondo ng PhilHealth noong pandemya. Ngunit ayon sa alkalde, pinasinungalingan ito mismo ng audit report na nagsasabing hindi pa nagagalaw ang naturang pondo.
Naniniwala si Teodoro na ang suspensyon ay may bahid ng pulitika upang sirain ang kanyang kandidatura para sa halalan sa Mayo 12, 2025. Aniya, sunod-sunod ang kasong isinampa laban sa kanya—hindi lang sa Ombudsman kundi pati sa COA, Comelec, at iba pang ahensya ng gobyerno.
Kwestyonable rin umano ang timing ng suspensyon, lalo’t ilang araw na lang ay magsisimula na ang opisyal na kampanya ng mga lokal na kandidato.
“This is a political attack na layong sirain ang aking pangalan at liderato,” giit ni Teodoro.
Dagdag pa niya, may mga indibidwal sa likod ng mga kasong ito dahil nakikita siyang banta sa kanilang interes.
Tiniyak ng alkalde na haharapin niya ang mga kaso nang may transparency at accountability at tiwala siyang mapapatunayan ang kanyang pagiging inosente.
Mananatili siyang kandidato sa halalan at hinikayat ang mga taga-Marikina na manatiling kalmado at patuloy siyang suportahan sa kabila ng ingay ng pulitika.
“Hindi lang natin ipaglalaban ang ating pangalan, kundi pati ang progreso ng ating lungsod na sama-sama nating pinaghirapan.”
Malungkot din aniya na maraming opisyal ng lungsod ang sinuspinde, na maaaring makaapekto sa serbisyo sa mga residente.