QUEZON CITY — Inanunsyo ni NHA General Manager Joeben Tai na magtatapos ang kasalukuyang charter ng National Housing Authority (NHA) sa ika-50 anibersaryo nito sa Hulyo 31, 2025.
Sa Pandesal Forum ngayong lunes, sinabi ni Tai na naipasa na ang bagong charter ng NHA na may kasamang P10 bilyong pondo para sa 2025. Inaasahan niyang pipirmahan ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Tai, layunin ng NHA na mas maparami pa ang matulungan sa mga housing sites, kabilang na ang pagbebenta ng bigas sa halagang P33 kada kilo. Sa loob ng 50 taon, nakapagserbisyo na ang NHA sa 1.2 milyong benepisyaryo, karamihan sa Region 3 at 4, at 500,000 dito ay informal settlers.
Ipinaalala rin niyang hindi puwedeng ibenta o paupahan ang housing unit habang may natitirang hulog. Maaari itong bawiin ng NHA kung lalabagin.
Nais din ng Pangulo na tulungan ang mga benepisyaryo sa pamamagitan ng pagbura ng halos P3.7 bilyong interes at multa sa kanilang utang upang makuha nila ang titulo ng bahay.
Ngayong taon, target ng NHA ang pagtatayo ng 100,000 housing units na kayang tumagal sa lindol. Patuloy rin ang mga proyekto sa Caloocan, Bulacan, Cavite, at iba pa.
Sa bagong charter, madaragdagan ang mga opisyal at itatayo ang Office for Calamities and Disasters. May mga housing projects na ring ipapasa sa mga LGU.
May 18 Housing Caravans na rin ang naisagawa na may libo-libong benepisyaryo, katuwang ang TESDA at ibang ahensya. Nakipag-ugnayan din ang NHA sa Department of Agriculture para sa murang bigas at pagkain sa housing sites.
Simula Mayo 1, ipatutupad ang condonation program kung saan 100% ang tatanggalin sa penalties at hanggang 95% sa utang. Layunin nitong gawing abot-kaya ang pagbabayad at mapasa ang bahay sa susunod na henerasyon. (PHOTO BY: JIMMY CAMBA)