LUNGSOD NG PASIG – Binigyang diin Sarah Discaya na uunahin niya ang trabaho, edukasyon, pabahay, at benepisyo para sa kababaihan, mga bata, at mga senior citizen kung siya’y mananalo bilang alkalde sa halalan sa Mayo 12.
Sa kanyang pakikipagpulong sa mga taga-Barangay Caniogan noong Biyernes (Mayo 2), sinabi ni Discaya na pangarap ng kanyang grupo na Team Kaya This ang magkaroon ng disenteng trabaho at hanapbuhay para sa lahat ng Pasigueño.
Bilang isang negosyante, ibinahagi niya na 100% ng kanyang mga empleyado ay taga-Pasig — wala ni isa mula San Juan, Quezon City, o Cainta.
Ipinangako rin niyang bibigyan ng libreng uniporme at school supplies ang mga estudyante sa pampublikong paaralan bago magsimula ang klase.
Ipinakilala niya ang anak niyang si Gerrard, kung kanino ipinangalan ang kanilang kompanyang St. Gerrard Construction and Development Corporation.
Ayon kay Discaya, titiyakin niyang magkakaroon ng sariling pabahay ang mga lehitimong taga-Pasig — at hindi sa Laguna o Rizal.
Dagdag pa niya, ang kasalukuyang ₱3,000 cash gift para sa mga senior citizen ay itataas sa ₱5,000 simula Disyembre ngayong taon.
“Matutupad lang ang ating mga pangarap kung magtutulungan tayong lahat at patuloy ang suporta ninyo sa Team Kaya This hanggang Mayo 12,” sabi ni Discaya.
Malugod namang tinanggap ng mga taga-Caniogan ang kanyang mga plano at nagpahayag ng suporta.
Ipinahayag din ng Team Kaya This na dapat maging “connected city” ang Pasig — na may mabilis na digital services.
“Dapat prayoridad ang digital connection. Kailangang online na ang pagkuha ng business permit. Gagamitin natin ang teknolohiya para sa inyo, sa inyong mga anak, at sa kinabukasan ninyo,” dagdag pa ni Discaya.