Pahayag ni Atty. Ian Sia, Kandidato sa Kongreso – Pasig City
Ngayong araw April 4, inilabas na ng COMELEC ang desisyon kaugnay ng disqualification case na isinampa laban sa akin. Isang magandang balita: Ibinasura na po ng COMELEC ang nasabing kaso.
Nagpapasalamat ako sa COMELEC sa mabilis at patas na pagresolba ng isyung ito. Sa ganitong paraan, masisiguro nating ang eleksyon sa Mayo 12 ay magiging patas at nakasentro sa tunay na mga isyu at plataporma ng mga kandidato.
Aminado akong mabigat at masakit ang paratang, lalo’t ito ay may kinalaman sa karapatan ng kababaihan—isang sektor na matagal ko nang ipinaglalaban mula pa noong ako ay unang mahalal bilang Konsehal ng Pasig. Sa loob ng 15 taon, naging tapat ang aking serbisyo sa kanila at sa buong lungsod.
Gayunman, batid ko rin ang mga naging reaksyon ng publiko. Hindi ko minamaliit ang pangyayaring ito. Bagkus, ito ay nagsilbing aral at paalala sa akin bilang isang lingkod-bayan—na dapat laging maging maingat, bukas, at sensitibo sa damdamin at karapatan ng bawat sektor ng lipunan.
Sa aking mga tagasuporta—maraming salamat sa inyong paninindigan at tiwala. Hindi kayo bumitaw. Kayo ang nagsilbing inspirasyon ko upang ipagpatuloy ang laban para sa isang mas maunlad at makatarungang Pasig.
Tuloy ang serbisyo. Tuloy ang laban. Para sa Pasigueño.